BAGONG LIDERATO NG ARMY PINATIBAY KAHANDAAN NG AFP

PORMAL nang nanungkulan si Lieutenant General Donald M. Gumiran PA bilang ika-68 na Commanding General ng Philippine Army, kasunod ng paghirang kay dating Army chief General Antonio G. Nafarrete PA bilang bagong Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Isinagawa ang ika-68 Philippine Army Change of Command Ceremony na pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., bilang Commander-in-Chief ng AFP.

Si Lt. Gen. Gumiran, dating Commander ng Western Mindanao Command, ang humalili kay Gen. Nafarrete na ngayon ay nagsisilbing ika-61 Chief of Staff ng AFP.

Sa seremonya, hinimok ni Pangulong Marcos ang Philippine Army na manatiling handa at makapagbigay ng mabilis at tiyak na pagtugon saanman kailanganin, habang patuloy na iginagalang ang Saligang Batas at pinoprotektahan at pinaglilingkuran ang mamamayang Pilipino.

Ang pagpapalit ng pamumuno ay bahagi ng tuloy-tuloy na pagpapanatili ng command, control at operational readiness ng AFP sa pagtupad sa mandato nitong ipagtanggol ang mamamayan, soberanya at teritoryal na integridad ng bansa.

Binigyan din ng Philippine Army ng arrival honors si Lt. Gen. Gumiran bilang ika-68 Commanding General ng Philippine Army. Siya ay miyembro ng Philippine Military Academy “Tanglaw-Diwa” Class of 1992.

Bago ang kanyang bagong tungkulin, nagsilbi si Gumiran bilang Commander ng Western Mindanao Command, kung saan pinangasiwaan niya ang mga operasyong pangkapanatagan sa Western Mindanao.

Naging Commander din siya ng 6th Infantry “Kampilan” Division at 602nd Infantry Brigade at humawak ng mahahalagang posisyon sa 7th Infantry Battalion at 38th Infantry Battalion.

Sa kanyang military career, tinapos ni Gumiran ang iba’t ibang professional military courses, kabilang ang Scout Ranger Course, Basic Airborne Course, Special Operations Training, Infantry Officer Basic and Advanced Courses at Command and General Staff Course.

Nag-aral din siya sa U.S. Army War College at nakamit ang Master of Strategic Studies matapos ang International Fellows Academic Preparatory Course. Mayroon din siyang Master’s Degree in Public Management, Major in Development and Security, mula sa Development Academy of the Philippines.

Sa pagpapatuloy ng mga programa ng kanyang mga nauna, nangako si Lt. Gen. Gumiran na ipagpapatuloy ang modernization at transformation ng Philippine Army upang maging isang world-class, multi-mission ready at cross-domain capable na hukbo.

(JESSE RUIZ)

54

Related posts

Leave a Comment