Death toll: 26 sa 2 bagyo, Habagat – PNP PANIBAGONG TROPICAL STORM NAGBABANTA

HABANG tinututukan ng state weather bureau ang panibagong Tropical Storm na nagbabantang magdala ng tuloy-tuloy pang pag-ulan na nararanasan ngayon ng bansa, patuloy na lumolobo ang bilang ng mga pamilyang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at epekto ng Southwest Monsoon o Habagat.

Ayon sa PAGASA, kasalukuyan nilang mino-monitor ang Tropical Storm Nangka (formerly LPA 08d) na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na posibleng magdulot pa ng mga pag-ulan sa bansa.

Samantala, sa datos na ibinahagi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa 3.1 milyon na indibidwal o mahigit 909,000 pamilya ang naapektuhan ng Habagat, bagyong Luis at Maymay mula sa Region 1, 2, 3, 5, 6, 9, CALABARZON, CAR, NCR at MIMAROPA.

Ayon naman sa Office of Civil Defense (OCD), patuloy pa ring mino-monitor ang mga lugar na nakararanas ng pagbaha, lalo na sa ilang bahagi ng Luzon.

Pinakamaraming binahang lugar ang naitala sa Central Luzon, partikular sa Bulacan at Pampanga, na umabot sa 535 flooded areas, batay sa pinakahuling ulat.

Patuloy naman ang response operations ng mga lokal at pambansang ahensya, habang nananatiling naka-standby ang iba pang response assets.

Sa pinakahuling ulat ng NDRRMC, aabot na sa 21 ang napaulat na nasawi dulot ng Southwest Monsoon o ng Habagat, Bagyong Luis at Maymay. Bahagyang mas mababa kumpara sa reported death toll na nalikom ng Philippine National Police na umabot na sa 26 katao.

Sa bilang na ito, 15 indibidwal ang naitalang nasawi sa Benguet dahil sa landslide, 3 sa Rizal dahil sa landslide, at pagkatumba ng puno at 3 sa Batangas dahil sa pagkalunod, pagkakuryente at dahil sa landslide o pagguho ng lupa.

Habang 14 naman ang naiulat na nasugatan at isa ang nawawala sa Batangas.

Samantala, nasa mahigit 80,000 indibidwal naman o katumbas ng mahigit 22,000 pamilya ang nananatili sa 881 itinalagang evacuation sites sa bansa.

(JESSE RUIZ)

42

Related posts

Leave a Comment