RAPIDO ni PATRICK TULFO
HINDI lang ang Pilipinas ang patuloy na lubog sa baha dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Baha rin sa mayayamang bansa sa Europe, America at ilang bansa sa Asia katulad ng Japan at China kung saan hindi umubra ang kanilang mga flood control project dahil sa ilang bagyo at Habagat na dumaan.
Matatanggap siguro ng mga Pinoy na mahirap talaga kalaban ang kalikasan kung alam nating kahit papaano ay mayroong ginawang proyekto para pansanggalang sa baha. Pero wala!
Hindi mapatatawad ng taumbayan ang ginawang hayagang pagnanakaw ng mga tiwali sa pondo ng bayan na dapat sana ay para maiwasan ang mga ganitong uri ng kalamidad.
Ilang mga kaibigan na nagmula lamang sa Clark, Pampanga noong Sabado ay stranded ng ilang araw dahil kinakailangan nilang bumalik at mag-istambay sa kung saan-saan upang magpahinga at kumain. Hindi biro ang inubos na pera, oras at pagod ng mga motoristang stranded dahil sa baha.
Sa pag-ulan ng halos buong Agosto, wala nang mapuntahan ang tubig na naging sanhi ng pagbaha.
Pero naiwasan sana ang sobrang pagbaha kung nagkaroon ng konting konsensya ang mga magnanakaw na ituloy ang mga flood control project. Kahit papaano siguro ay hindi ganoon kagalit ang mga Pinoy.
Ang patuloy na pag-uulan at pagbabaha ay paalala sa atin na huwag nating kalimutang panagutin ang mga nasa likod ng walang habas na nakawan sa pondo ng bayan.
Sa ganitong paraan, mahihiya na kahit papaano ang mga nasa pwesto na gumawa ng kababalaghan dahil maraming mata ang nakatingin. Iyon ay kung may konsensya sila. Ibang usapan pa rin kung makapal talaga ang mukha o walang hiya ang mga nakaupo.
67 