BAYANIHAN ang tawag natin sa pagtutulungan at pagkakaisa sa bawat isa.
Napakatandang katangian ito ng pagiging mabuting tao ng mga Filipino.
Isa ang bayanihan sa ipinagmamalaking ugali ng mga Filipino na bahagi ng ating kultura.
Kaya, maganda ang paggamit ng salitang “bayanihan” sa mga batas na “Bayanihan to Heal as One” at “Bayanihan to Recover as One”.
SA unang bayanihan, P275 bilyon ang inilabas na pera ng administrasyong Duterte kung saan kasama ang mga ayudang pinansiyal sa mga manggagawa sa loob at labas ng bansa, mga pinakamahihirap na pamilya at iba pa.
Ang P275 bilyon ay siyang “lunas” sa mga nakaranas ng matinding epekto at pinsala ng pagsasara ng ekonomiya ng bansa noong Abril at Mayo.
Upang malaman kung totoong nakalunas ang Bayanihan to Heal as One Act ay tanungin ninyo ang mga kakilala ninyong mga manggagawa, overseas Filipino workers (OFWs), milyun-milyong pamilyang Filipino na nakatira 18 milyong kabahayan at marami pang iba.
Sila ang mga taong makapagbibigay ng testimonya sa lunas na layunin ng Bayanihan 1.
Umabot naman sa P165 bilyon ang pondo para sa Bayanihan to Recover as One, o Bayanihan 2, na hanggang sa araw na ito ay hindi pa tapos ang implementasyon.
Kaya, hindi natin alam kung nakabawi ang mga manggagawa at ang napakaraming pamilyang mahihirap mula sa napakahirap na buhay na kanilang naranasan sa panahong nananalasa ang COVID-19 sa bansa.
Tapos, posibleng magkaroon pa ng panibagong batas tungkol sa bayanihan.
“Bayanihan to Rebuild as One” naman ang tawag ng mga senador at kongresista rito.
Si Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo ay nagpanukala nito sa Kamara de Representantes.
Inilagay ni Representative Quimbo sa kanyang House Bill No. 9059 na P400 bilyon ang ilabas ng administrasyong Duterte.
Sa Senate Bill No. 1953 ni Senador Ralph Recto ay P485 bilyon ang nabanggit na pera, kasama ang P110 bilyong pondo para sa bakuna laban sa COVID-19.
Ang layunin ng mga panukala nina Quimbo at Recto ay upang makabawi ang mga Filipino mula sa hambalos ng COVID-19 at magkakasunod na hagupit ng mga bagyo.
Sa unang tingin, maganda at walang dudang kahanga-hanga ang ideya nina Quimbo at Recto dahil layunin ng kanilang panukalang batas ay “makabawi” ang mga Filipino sa napakasamang karanasang sinapit nila mula sa COVID-19 at mga bagyo.
Ngunit, kung bubusisiin at pag-aaralang mabuti ay hindi talaga makakatulong ang kanilang mungkahing Bayanihan 3 upang makabawi ang mga kawawang mangagawa at mahihirap na pamilyang Filipino.
Ayon sa World Bank, ang tanging paraan upang makabawi ang ekonomiya ng Pilipinas ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng trabaho ng mga manggagawa.
Naniniwala ako sa mga ekonomista ng World Bank dahil kung magkakaroon ng hanap-buhay ang mga manggagawa ay pihadong magkakaroon sila ng pera.
Kung magkakaroon sila ng pera kada buwan ay siguradong mayroon silang pambili ng kanilang mga pangangailangan sa araw-araw.
Noon pa mang Ika-19 na Siglo ay pera na ang nagpapagalaw at nagpapasigla ng ekonomiya ng bawat bansa sa daigidig.
Iba-iba nga lang ang antas at inaabot nito.
Mula sa perang hawak ng mga manggagawa ay nakabibili sila ng mga produkto kung saan nagkakaroon ng pera, o kita, ang mga negosyante.
Gagawa uli ng produkto ang mga negosyante upang mayroon ulit bilhin ang mga manggagawa na kanilang mga kailangan sa pagkilos ng kanilang buhay.
Kaya, kailangang napakaraming manggagawa ang kailangang magkaroon ng trabaho upang napakarami rin sa kanila ang magkakaroon ng pera upang makabili ng mga produkto.Sa ganyang itsura, susulong at dahan-dahang aangat ang ekonomiya.
Ngunit, kung panay ideya tungkol sa ayuda ang gagawing batas ng mga senador at kongresista ay tiyak na malabong umusad at umangat ang ekonomiya ng ating bansa.
Ito’y dahil hindi naman napapakinabangan ng mga manggagawa at iba pang batayang sektor ng ating lipunan ang perang galing sa pamahalaan.
Ang alam ng lahat, tanging mga politiko at opisyal ng pamahalaan ang higit na nakikinabang sa konsepto ng ayuda.
Kaya, ang nasa isip nila ay walang iba kundi magkaroon ng batas tungkol sa bayanihan.
Pagmasdan ninyo kung gaano sila kinikilig at agresibo sa pagsusulong ng batas hinggil sa ayuda.
