NABINGWIT ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District – Baseco Police Station 13, ang tatlong indibidwal sa ikinasang buy-bust operation sa Blk.11 Extension, Baseco Compound, Port Area, Manila nitong Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ang mga suspek na sina Junjun Manampad, 21; Loreto Cilo Jr., 30, at Jelly Delos Santos, dalaga.
Base sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Emmanuel “Mike” Gomez, station commander, bandang alas-1:15 ng madaling araw nang ikasa ang operasyon matapos inguso ng isang impormante ang hinggil sa talamak umanong bentahan ng ilegal na droga sa Barangay 649 sa Port Area, Manila.
Sa pangunguna ni Police Major Armando Lingit, hepe ng SDEU, agad nadakip ang mga suspek na nakumpiskahan ng 101.6 gramo ng umano’y shabu na P690,880 ang street value.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
(RENE CRISOSTOMO)
293