KASONG MURDER VS DURANTE, 9 PA

Ni JESS KABEL RUIZ

ISANG araw matapos sibakin sa pwesto, tuluyan nang sinampahan ng kasong kriminal si dating Presidential Security Group chief, Brig. Gen. Jesus Durante kaugnay ng pagpatay sa negosyanteng modelo sa lungsod ng Davao noong Disyembre 29 ng nakalipas na taon.

Ayon kay Major Eudisan Gultiano na tumatayong tagapagsalita ng Police Regional Office -11, kabilang sa inihaing asunto laban kay Durante at siyam na iba pa, ang murder, obstruction of justice at pagnanakaw sa biktimang si Yvonnette Plaza

“We confirm na yesterday ng umaga ay na-file na namin ‘yung cases of murder, theft, and obstruction of justice against the suspects sa pagpatay kay Yvonnette Chua Plaza,” ani Gultiano sa isang panayam sa radyo.

Gayunpaman, walo lang sa 10 sinampahan ng patong-patong na kasong kriminal ang kinilala ng PNP regional command spokesperson, kabilang sina Staff Sergeant Gilbert Plaza, Sergeant Delfin Sialsa Jr., Corporal Adrian Cachero, at Noel Japitan na sumuko at kasalukuyang nasa kustodiya ng PRO-11.

Dalawa naman ang kinilala lang sa alyas na “Junior” at “Master Sergeant”.

Sa interogasyon, hayagang inamin ni Sialsa ang pagpatay at pagnanakaw sa biktima. Inginuso naman ni Cachero si Durante na umano’y utak sa pamamaslang. Siya rin umano ang nagmaneho ng sasakyang ginamit sa pagtakas matapos ang pamamaril kay Plaza.

Ayon pa kay Gultiano, mayroon na silang nasilip na motibo, subalit tumangging munang magbigay ng iba pang detalye, maliban sa may relasyon umanong namagitan sa biktima at sa prime suspect.

“May identified po tayong motibo like itong si Yvonette Plaza ay may hawak na sensitive information na ginagamit niya kay General Durante,” dagdag ni Gultiano.

“It appears po talaga based doon the investigation na may intimate relationship po itong biktima kay General Durante. According to the confessions natin, at one instance talagang nagsabi si Durante na nagseselos siya.”

Nasa kustodiya na rin ni Philippine Army chief, Lieutenant General Romeo Brawner Jr. sina Durante at Colonel Michael Licyayo na kapwa akusado.

Samantala, ikinatuwa naman ng grupong Gabriela ang resulta ng imbestigasyon sa pagpatay kay Plaza.

Ayon kay Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, nananabik na silang masaksihan ang pag-aresto sa heneral – “We urge the government to arrest Brig. Gen. Jesus Durante and the 7 army officers involved in the killing – and bring justice to Plaza instead of enabling it.” (Dagdag ulat mula kay Bernard Taguinod)

115

Related posts

Leave a Comment