P2-B RELIEF ASSISTANCE SA ‘ODETTE’ VICTIMS

TINIYAK ng pamahalaan na maglalaan ito ng P2 bilyong halaga ng relief assistance para sa mga komunidad na labis na naapektuhan ng bagyong Odette.

Ito’y sa kabila ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nasimot na ang pondo ng gobyerno dahil sa COVID-19 pandemic.

“Si Pangulong Duterte has already committed P2 billion na funding. Ang i-allocate to help ito rin. Sinabi niya sa governors na kinausap niya kahapon,” ayon kay acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Nauna rito, nagsagawa si Pangulong Duterte ng aerial inspection nitong Sabado sa ilang lugar na hinagupit ng bagyong Odette gaya ng Siargao, Surigao City, Dinagat Islands, at Maasin City sa Southern Leyte.

Nagsagawa rin ng pagpupulong ang Pangulo kasama ang local government officials sa mga nasabing lugar.

Sinabi pa ni Nograles na may naka-preposition na family food packs at maging non-food items na nagkakahalaga ng P1 bilyong piso.

Nag-commit naman ang Department of Public Works and Highways na agad lilinisin ang mga lansangan.

Si Odette, ayon kay Nograles, ay mas matindi kaysa Typhoon Sendong na tumama sa Cagayan de Oro noong 2011.

Price freeze
ikakasa rin

KAAGAD namang ikakasa ng Department of Trade and Industry ang price freeze sa mga lugar na labis na hinagupit ni bagyong Odette.

Sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez, kailangan munang isailalim sa state of calamity ang mga lugar na tinamaan ng bagyo bago maipatutupad ang price freeze.

Batay aniya sa mga ulat na nakarating sa kanila, hindi naman nagkaroon ng problema ang mga suplay ng basic commodities sa mga lugar na sinalanta ni bagyong Odette.

Sa kasalukuyan, masusing binabantayan ang posibleng pagkaantala ng delivery ng mga chain supply sa iba’t ibang lugar sa Visayas at Mindanao.

Giit nito, mas kinakailangan na mabigyang kasiguruhan na maihahatid sa tamang oras ang mga supply nang sa gayo’y maiwasan ang pagkakaroon ng kakulangan ng suplay na maaring magdulot ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. (CHRISTIAN DALE)

69

Related posts

Leave a Comment