WALANG PERANG PANTUGON SA DELUBYO

MATAPOS bayuhin ng bagyong Odette ang malaking bahagi ng Visayas at Mindanao, nawindang ang lahat sa tinuran ng Pangulong Rodrigo Duterte. Aniya, wala nang pera ang gobyerno para ­ipantugon sa mga nasalanta ng delubyo.

Susmaryosep, usal ng mga tao.

Sa sinabi ng ­Pangu­lo, marami ang diskumpiyado lalo pa’t minsang nagyabang ang Pangulo sa saku-sakong perang kaya niyang dalhin sa kanyang mga kaalyadong kandidato.

Gayunpaman, nangako siya sa mga biktima ng bagyo. Aniya, ­hahanapan nila ng pondo para naman daw ­makatulong sa ­libo-libong sinalanta ng bagyo.

Ang totoo, hindi na umaasa ang marami sa kanyang pangako. Bakit nga naman aasa sa pangako ng Pangulo? Ilang pangako na ba ang kanyang sinabi sa maraming talumpati niya sa publiko? Isa?

Dalawa? Tatlo lang ba, o higit pa sa kaya natin tandaan?

Ayon sa mga ­eksperto sa larangan ng kalakaran sa gobyerno, imposibleng wala perang pantugon sa delubyo. Anila, kung nagawang mangutang ng ­gobyerno para sa pandemya, bakit hindi magawang ­manghiram ng salapi para sa mga nasalanta?

Kung nagawa ng Palasyo mag-realign ng pondo nitong nakaraang taon, bakit hindi pwedeng gawin ngayon?

Nasaan ang ipinagyayabang na sako-sakong pera ng Pangulo para sa mga kandidato? Hindi ba pwedeng kumurot man lang ng bahagya sa salaping pangampanya sa Peb­rero hanggang Mayo?

Sa puntong ito, higit na kailangan ang tunay na bayanihan – hindi ang batas na binansagan lang sa ganitong pangalan. Angkop sa gitna ng kawalan ay ang sama-samang pagtutulungang walang kinikilalang estado sa buhay.

Ang pisong mula sa isang pobre, higit na malaki ang halaga kum­para sa milyong ambag ng mga negosyante’t pulitikong naglalabas ng pera hindi dahil sa gusto nila kundi dahil sa napilitan lang, o bilang paandar para sa nalalapit na halalan.

Anu’t ano man, isa lang ang sigurado – babangon at muling titindig ang mga Pilipino.

105

Related posts

Leave a Comment