SINO SA MGA OPISYAL NG ORIENTAL MINDORO PASOK SA JUETENG PAYOLA?

PATULOY na inirereklamo ng concerned citizens sa pahayagang SAKSI Ngyon ang anila’y pananahimik ng ilan nilang pinagkakatiwalaang opisyal sa Oriental Mindoro sa pamamayagpag ng operasyon ng BINGO NG BAYAN cum jueteng na may dalawang resulta sa isang araw- alas-12:00 ng tanghali at alas-8:00 ng gabi.

Hiling ng mamamayang Mindoreño kina Governor Humerlito “Bonz” Dolor, Oriental Mindoro Provincial Director PCol Samuel Delorino at Police Regional Office MIMAROPA Regional Director PBGen Joel Doria ang pagtutok sa nasabing suliranin sa lalawigan.

Ayon sa mapagkakatiwalaang source, isang maimpluwensyang politiko na may inisyal na “LM’ ang nasa likod ng ilegal na sugal na BINGO NG BAYAN cum jueteng na nag-courtesy call kamakailan sa tanggapan ng Regional Directors Office sa Camp Efigenio Navarro sa Calapan City upang pag-usapan ang diumano’y daloy ng PAYOLA para sa smooth operation ng BINGO NG BAYAN cum jueteng na hindi nabubulabog.

Nagpapatuloy ang pamamayagpag ng illegal numbers game sa naturang probinsya na pinoprotektahan umano ng ilang matataas na opisyal ng kapulisan.
Taliwas sa naunang impormasyon na ipinarating sa SAKSI Ngayon na biglaang tumigil ang operasyon ng nasabing sugal noong Sabado dahil sa pangamba ng mga opisyal ng lokal na pulisya na maputukan sila ng ‘one strike policy’ ng PNP.

Ibinunyag din ng source ang umano’y daloy ng ‘monthly payola’ na umaabot sa P8 Milyon kada buwan para sa ilang tiwaling opisyal ng Provincial Police Office, Police Regional Office 4B at NBI-4B office.

Tatlong ahensya lang ng gobyerno ang nangangalaga sa “peace and order” at sumusupil sa lahat ng uri ng illegal vices sa Oriental Mindoro.

Ito ay kinabibilangan ng Provincial Capitol, National Bureau of Investigation -MIMAROPA at Regional Police Office -MIMAROPA.

Ang mga ‘yan ay pinamumunuan nina Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor, NBI-4B Regional Director Atty Ferdinand Lavin at PRO4B Regional Director PBGen Joel Doria.

Sa impormasyon pa na natanggap ng pahayagang ito, balewala umano ang Executive Order No. 13 ng Malacañang laban sa illegal gambling maging ang ‘Internal Cleansing’ at “No Take” Policy ni PNP chief, Benjamin Acorda Jr., na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno at kapulisan na tumanggap ng pabor (financial favor/payola) mula sa ilegal partikular na sa illegal gambling.
Ayon pa sa source, walang sira ulong nilalang ang maniniwalang walang “pakinabang” o “nakukuha” ang mga nabanggit na personalidad.

Dahil dito, nagsisilbing hamon sa gobernador at mga regional director ng PRO MIMAROPA at NBI-MIMAROPA ang pagbuwag sa BNB cum jueteng para ipakita sa kanilang mga nasasakupan na hindi totoo ang kanilang hinala o pagdududa na kasama sila sa mga nakikinabang.

Makabubuti, ayon sa mga taga Or Mindoro kung totohanang mapatitigil ang sugal sa bayan ng Victoria, Puerto Galera, San Teodoro, Socorro, Pola, Pinamalayan, Bansud, Bongabong, Mansalay, Gloria, Roxas, Bulalacao at Calapan City. (RONALD BULA)

213

Related posts

Leave a Comment