MGA KINAUSAP NG PGMN, MALALANTAD NA — NBI

MALALANTAD na umano ang mga personalidad na nakipag-ugnayan sa founder ng Peanut Gallery Media Network (PGMN) na si Franco Mabanta matapos aprubahan ng korte ang cyber warrant na hiniling ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ito ang inihayag ni NBI Director Atty. Melvin Matibag matapos payagan ng Pasig Regional Trial Court ang pagbusisi sa mga gadgets na nakumpiska kay Mabanta at apat pang indibidwal na inaresto sa isinagawang entrapment operation.

Sa ginanap na MACHRA Balitaan ng Manila City Hall Reporters Association sa Harbour View sa Ermita, Manila, kinumpirma ni Matibag na magkakaroon na ng access ang NBI sa mga cellphone at iba pang electronic devices ng mga suspek.

Ayon kay Matibag, saklaw ng cyber warrant ang pagsusuri sa mga video, litrato, at maging text messages upang matukoy kung sinu-sino ang mga personalidad na nakipag-usap kay Mabanta.

Sinabi pa ng opisyal na sa pamamagitan ng cyber warrant ay mabibigyang-linaw na rin ang mga kumakalat na usap-usapan hinggil sa umano’y mga personalidad na target ng operasyon.

Inaresto si Mabanta at mga kasama nito dahil sa umano’y tangkang pangingikil ng P350 milyon mula kay dating House Speaker Martin Romualdez kapalit ng hindi pagpapalabas ng video na umano’y makapipinsala sa kongresista.

Matapos maaresto ng NBI, pansamantala namang nakalaya sina Mabanta matapos makapagpiyansa ng tig-P120,000.

(JESSE RUIZ)

44

Related posts

Leave a Comment