PUJALTE OUT, DR. MERCADO IN BILANG KALIHIM NG DOH — MALACAÑANG

INANUNSYO ng Malacañang na itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes, Agosto 10, si Dr. Edwin Mercado bilang bagong kalihim ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, si Dr. Mercado ay kasalukuyang Acting President and Chief Executive Officer ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), kung saan siya itinalaga noong Pebrero 2025.

Bago ang kanyang appointment bilang DOH Secretary, nagsilbi si Dr. Mercado bilang medical director ng Daniel Mercado Medical Center mula 1998 hanggang 2000 at naging president and CEO ng iba’t ibang ospital mula 2000 hanggang 2016.

Nagtapos siya ng Medicine sa University of the Philippines, Master of Medical Science in Global Health Delivery sa Harvard Medical School noong 2023 at Executive Master’s Degree in Healthcare Administration sa University of North Carolina sa Estados Unidos.

Papalitan ni Mercado si outgoing DOH Secretary Jose Pujalte Jr., na kusang nagbitiw sa puwesto dahil sa kanyang kalusugan at hindi umano sinibak ni Pangulong Marcos.

Samantala, papalit naman kay Mercado bilang Acting President and Chief Executive Officer ng PhilHealth si Dr. Beverly Lorraine C. Ho, na kasalukuyang Chief Health Officer ng Ayala Healthcare Holdings Inc.

Bago ito, nagsilbi rin si Dr. Ho sa DOH bilang assistant secretary mula Enero 2023 hanggang Enero 2024 at undersecretary mula Hulyo hanggang Disyembre 2022. Naging deputy spokesperson din siya ng DOH mula Marso 2020 hanggang Disyembre 2023.

Samantala, sinabi ni Castro na hindi pa niya makumpirma kung may kaugnayan sa alegasyon ng pagsusugal ang pag-alis ni Pujalte sa puwesto.

Sa tanong kung itutuloy ng pamahalaan ang imbestigasyon sa mga alegasyon laban sa dating kalihim, sinabi ni Castro na nasa kamay na ito ng Office of the Ombudsman kung may nakasampang reklamo laban kay Pujalte.

“Kung ito naman po ay nakasampan po sa Ombudsman, nasa kamay na po ng Ombudsman ang pag-iimbestiga kung ano man po ang nai-reklamo laban kay dating Secretary Pujalte,” ani Castro.

Samantala, sinabi ni Castro na nananatili ang marching order ni Pangulong Marcos kay Mercado—ang unahin ang kapakanan at kalusugan ng mga Pilipino.

“Ganun pa rin po, dahil ang nais po ng Pangulo ay unahin ang kapakanan ng ating mga kababayan pagdating po sa kanilang kalusugan,” ani Castro.

Dagdag niya, hindi na bago kay Mercado ang pamamahala sa sektor ng kalusugan dahil nagsilbi na rin itong President and CEO ng PhilHealth at alam na nito ang mga prayoridad ng Pangulo para sa mga Pilipino.

(CHRISTIAN DALE)

68

Related posts

Leave a Comment