BATANGAS CITY – Pasado na at hihintayin na lamang ang pormal na deklarasyon na kabilang na ang Batangas sa hanay ng Alert Level 1 status ng COVID-19 sa buong bansa.
Ito ay matapos na maabot ng Batangas ang mga pamantayan upang maibaba na sa Alert Level 1 status ang buong lalawigan base sa tinuran ng isang lokal na mambabatas sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan.
Kinumpirma ito ni 2nd District BM Arlene Magboo bilang chairman ng Committee on Health, kasabay ng kanyang pagbati sa pamunuan ng Provincial Health Office.
Sa hiwalay na panayam naman kay Dr. Gerald Alday, hepe ng Batangas IATF, nabanggit din nito na nauna na silang binati ni Sec. Vince Dizon dahil nakapasok na ang lalawigan sa standard upang maibaba sa Alert Level 1 ang ang sitwasyon ng COVID-19 sa buong Batangas.
Ayon kay Dr. Alday, nakapasok na ang Batangas sa itinatadhanang bilang ng mga nababakunahan, partikular ang mga senior citizen na halos 80% na ang fully vaccinated.
Sa kabila nito, tiniyak ni Dr. Alday na magtu-tuloy pa rin ang bakunahan sa lalawigan kasabay ng paalala sa mga kababayan na huwag maging kampante.
Sa ngayon, inaasahan na ng pamahalaang panlalawigan ang pormal na deklarasyon ng National IATF na kabilang na ang Batangas sa hanay ng nasa Level 1 na ng alert status sa COVID-19 sa buong bansa.
Sa mga oras na ito ay nasa ilalim pa rin ng Alert Level 2 status ang Batangas na tatagal hanggang ngayong araw, Marso 15. (NILOU DEL CARMEN)
246 