BENTAHAN NG COMMUNICATION TECHNOLOGIES NA GINAGAMIT SA HACKING ACTIVITIES, PINABUBUSISI SA SENADO

PINABUBUSISI sa Senado ang talamak na bentahan ng mga itinuturing na rogue communication technologies na ginagamit sa hacking activities ng mga cellphone na nauuwi rin sa scamming.

Inihain ni Senador Mark Villar ang Senate Resolution 1294 para magkasa ng imbestigasyon ang Senado kaugnay sa naturang aktibidad.

Binanggit ni Villar ang pagkakadakip nitong Enero sa isang Malaysian na lider umano ng sindikatong nagsusuplay ng international mobile subscriber identity o IMSI catchers.

Ang IMSI Catchers ay device na tinatawag din na fake o rogue cell tower na nagagamit sa real time na pag-intercept at pagtract sa tawag, messages at iba pang data sa cellphone at iba pang electronic gadget.

Ginagamit din sa modernong pag-i-scam tulad ng pagkukunwaring lehitimong bangko o financial institution para makakuha ng sensitibong financial information.

Nasubaybayan umano ang Malaysian dahil lantaran na ina-advertise sa isang Facebook page ang kanilang IMSI catchers at SMS blaster machines.

Nakumpiska sa kanya ang compact gadgets na kasya sa backpack, madaling ideploy at mahirap ma-detect.

Iginiit din ng senador sa resolution na bagama’t malaking tulong sa laban sa scamming ang pagkakaaresto sa Malaysian, dapat masolusyunan ang kakulangan ng batas at kakayanan ng law enforcement authorities na madetect at mamonitor ang ganitong kagamitan. (DANG SAMSON-GARCIA)

41

Related posts

Leave a Comment