Bilang ng COVID-19 cases inaasahang lolobo pa NAMAMALIMOS SA QC DUMARAMI

NANGANGAMBA ang mga residente sa Quezon City na lalo pang darami ang bilang ng mga tatamaan ng coronavirus disease 2019 sa lungsod dahil sa pananatili ng mga tao sa lansangan sa kabila ng pinaiiral na enhanced community quarantine.

Sa impormasyong nakarating sa Saksi Ngayon, imbes mawala ay nadaragdagan pa umano ang mga namamalimos sa kalsada sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Nitong Lunes, namataan ang grupo ng mga residente na kinabibilangan ng mga bata at matatanda na namamalimos sa bahagi ng Congressional Avenue, Aurora Blvd., E. Rodriguez Ave., Cubao area at Quezon Avenue, pawang sa Quezon City.

Dumadaing umano ang mga residente na wala nang makain sa gitna ng pinaiiral na ECQ.

Ang mga namamalimos umano sa Congressional Avenue ay mga nakatira sa ilalim ng tulay sa nasabing lugar. Habang mga nakatira naman sa bangketa ang ibang namataang namamalimos sa mga dumaraang motorista.

Nauna nang binatikos ang local government ng Quezon City dahil sa kawalan ng kaayusan sa Muñoz at Balintawak market na posibleng maging dahilan ng lalo pang pagkalat ng COVID-19 sa lungsod.

Sa ulat mula sa Department of Health, nakapagtala na ng 942 kaso ang QC kabilang ang 60 nasawi.

Pero ang mga kumpirmadong kaso na may addresses sa Quezon City ay nasa 747 lang.

Kaugnay nito, kinalampag ng mga residente ang pamunuan ni Mayor Joy Belmonte na tiyaking mahigpit na naipatutupad ang guidelines sa ECQ upang hindi sila malagay sa peligro. JOEL O. AMONGO

197

Related posts

Leave a Comment