PINAG-AARALAN na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang rekomendasyon ng isang opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) na magpatupad ng total lockdown sa mga barangay na hindi sinusunod ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).
Iminungkahi kasi ni Department of Interior and Local Government Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na gawing total lockdown ang mga barangay na maraming pasaway sa harap ng krisis sa coronavirus disease 2019.
Ayon kay IATF spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na kasama ang mungkahi ni Diño sa mga pinag-aaralan ng IATF pero wala pang napagpapasyahan ukol dito.
Para naman sa local government units, sinabi ni CabSec Nograles na maaring gumawa ng ordinansa ang local executives para sa mahigpit na implementasyon ng social distancing sa mga palengke. CHRISTIAN DALE
175 