TUMANGGAP umano si Vice President Sara Duterte ng compensation income mula sa City Government of Davao noong 2023, bukod sa kanyang kinita bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Iniharap ni Atty. Anne Lorraine Garcia-Marquez ng BIR sa Senate impeachment court ang 2023 Income Tax Return (ITR) ni Duterte, kung saan nakalakip ang BIR Form 2316 mula sa kanyang employer na City Government of Davao.
“Ibig sabihin naka-receive si VP Sara ng compensation income for 2023,” ani Garcia-Marquez.
Hindi naman malinaw sa pagdinig kung bakit tumanggap ng compensation si Duterte mula sa Davao City Government noong 2023 o kung anong serbisyo ang naging kapalit nito.
Sa direct examination, binanggit ni House prosecution counsel Atty. Erwin Matib ang Section 13, Article VII ng 1987 Constitution, na nagbabawal sa Pangulo at Bise Presidente, habang nasa termino, na direktang o hindi direktang magpraktis ng ibang propesyon, lumahok sa negosyo o magkaroon ng financial interest sa mga kontrata, franchise o special privilege na ipinagkakaloob ng gobyerno o alinman sa mga sangay nito.
Ipinaliwanag din ni Garcia-Marquez na sa ilalim ng Tax Code, dapat patawan ng buwis ang lahat ng kita mula sa anumang pinagmulan, legal man o ilegal.
Iniharap din ni Matib ang mga ITR ni Duterte noong alkalde pa siya ng Davao City, kung saan nagdeklara ito ng iba pang kita.
Ayon kay Garcia-Marquez, nag-ulat si Duterte ng “other income” mula sa sales, receipts o fees na P3.188 milyon noong 2017, P1.876 milyon noong 2018 at P4.051 milyon noong 2019, ang huling taon ng kanyang termino bilang alkalde.
Ipinrisinta rin ni Matib ang Section 90 ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991, na nagbabawal sa mga local chief executive, kabilang ang mga gobernador at alkalde ng lungsod at munisipyo, na magpraktis ng propesyon o magkaroon ng ibang trabaho bukod sa kanilang tungkulin bilang local chief executive.
Sinabi ni Garcia-Marquez na walang ibinigay na detalye si Duterte sa kanyang mga ITR tungkol sa uri o pinagmulan ng naturang “other income.”
(TINA MENDOZA)
74 