SEN. MARK VILLAR, KINONDENA PANANAKSAK SA GRADE 8 STUDENT SA LAS PIÑAS

NAGPAHAYAG ng matinding pagkondena si Senador Mark Villar sa pananaksak sa isang Grade 8 student ng Las Piñas National High School.

Ayon sa senador, walang batang Las Piñero ang dapat mabuhay sa takot o malagay sa panganib habang pumapasok o umuuwi mula sa paaralan.

Nanawagan si Villar sa lokal na pamahalaan ng Las Piñas, mga paaralan, barangay, law enforcement agencies at buong komunidad na paigtingin ang seguridad sa loob at paligid ng mga eskuwelahan at palakasin ang koordinasyon upang maiwasan ang mga insidente ng karahasan.

Lubha rin niyang ikinalungkot na pawang mga menor de edad at karamihan ay out-of-school youth ang mga suspek.

Ayon kay Villar, sa halip na masangkot sa krimen, dapat ay nasa paaralan ang mga kabataan o nabibigyan ng pagkakataong makabalik sa pag-aaral at magkaroon ng maayos na direksyon sa buhay.

Iginiit din ng senador ang pangangailangang palawakin ang mga programa sa edukasyon, youth intervention at mental health upang mabigyan ng tamang paggabay at suporta ang mga kabataan.

Ipinanalangin din ni Villar ang agarang paggaling ng biktima at tiniyak ang kahandaan niyang magbigay ng anumang tulong sa pamilya nito.

Binigyang-diin pa niya na dapat manatiling ligtas ang mga paaralan at maging lugar ng pagkatuto, paghubog ng mabuting asal at pag-asa, at hindi ng karahasan at takot.

(DANNY BACOLOD)

75

Related posts

Leave a Comment