BORDER CONTROL AT ANTI-SMUGGLING CAMPAIGN, MAS PALALAKASIN NI COMM. ARIEL NEPOMUCENO!

TARGET ni KA REX CAYANONG

NATUKLASAN na ang unang atas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno ay simple ngunit makapangyarihan: protektahan ang mga hangganan ng bansa at tiyakin ang tapat, malinaw, at epektibong pangongolekta ng kita ng gobyerno.

Sa harap ng matinding pangangailangan para sa matatag na ekonomiya at pambansang seguridad, malinaw na ang papel ng BOC ay higit pa sa pagiging simpleng ahensya ng buwis kundi isa itong tagapagbantay ng kinabukasan ng bansa.

Hindi na bago kay Nepomuceno ang serbisyo publiko.

Bilang dating Executive Director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Undersecretary ng Office of the Civil Defense (OCD), dala niya ang karanasang kritikal sa mabilis at organisadong pagtugon sa krisis.

Sa kanyang pagbabalik sa Customs, na dati na rin niyang pinamunuan bilang deputy at assistant commissioner sa ilalim ng Aquino at Duterte administration, inaasahan ng taumbayan ang pagbabagong matagal nang inaasam sa isang ahensyang matagal nang pinaghihinalaan ng katiwalian.

Ang Bureau of Customs ay isa sa pinakamalaking revenue-generating agencies ng pamahalaan.

Ngunit sa kabila nito, matagal na itong kinakaharap ng mga isyung tulad ng smuggling, undervaluation, at katiwalian.

Kaya ang hamon sa bagong pamunuan ay hindi lamang kolektahin ang kita, kundi siguraduhing ang bawat sentimo ay dumadaan sa tamang proseso, at ang bawat transaksyon ay naayon sa batas.

Bukod sa usapin ng kita, binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng border security.

Sa panahon ng tumitinding geopolitical tensions at paglaganap ng transnational crimes tulad ng drug trafficking at human smuggling, napakahalaga na ang ating borders ay hindi maging butas sa pambansang seguridad.

Dito pumapasok ang malaking papel ng Customs sa pagkakakilanlan at pagkontrol ng mga illegal na kargamento, habang isinusulong ang lehitimong kalakalan na nagpapalago sa ekonomiya.

Kung maipatutupad ng BOC ang mga repormang ito nang may tapang, integridad, at transparency, hindi lamang kita ang makakamit ng gobyerno kundi muling maibabalik ang tiwala ng publiko sa institusyong matagal nang nabahiran ng pagdududa.

Kailangang ipakita ng bagong pamunuan na seryoso itong linisin ang kanilang hanay, panagutin ang tiwali, at gawing moderno at episyente ang sistema.

Sinasabing sa pamumuno kasi ni Pangulong Marcos Jr., malinaw ang mensahe na walang puwang sa kapabayaan, at walang lugar ang korapsyon sa Bagong Pilipinas.

89

Related posts

Leave a Comment