BOTO SA CONVICTION NI VPSD POSIBLENG IBABA SA 14

MAAARING bumaba sa 14 senador ang kailangan na boto para ma-convict si Vice President Sara Duterte matapos baguhin ng Senate Impeachment Court ang nauna nitong ruling na nagtakda ng 16 na boto para sa conviction.

Sa botong 13 pabor, isa tutol at anim na hindi lumahok, inaprubahan ng impeachment court ang apela ni Senator-Judge Erwin Tulfo na baguhin ang batayan sa pagkukuwenta ng two-thirds vote.

Ang bagong formula ay nakabatay sa mga senator-judge na legal, aktwal at may kakayahang lumahok sa impeachment trial sa oras ng botohan, sa halip na awtomatikong gamitin ang buong 24 na miyembro ng Senado bilang denominator.

Si Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero ang nag-iisang bumoto laban sa apela ni Tulfo. Hindi naman lumahok sina Senator-Judges Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Imee Marcos, Bong Go, Camille Villar at Robin Padilla.

Ayon kay Escudero, kabilang sa maaaring hindi isama sa denominator ang mga senador na nakakulong o legally restrained, pinaghahanap ng mga awtoridad, may problemang medikal o pisikal na kapasidad, hindi na maaaring piliting dumalo ng Senado at iba pang katulad na sitwasyon.

Gayunman, hindi awtomatiko ang pagbawas sa isang senador sa bilang. Kailangan muna itong mapatunayan sa pamamagitan ng sapat na ebidensiya bago alisin sa magiging basehan ng two-thirds vote.

Kung 20 senador ang magiging saklaw ng botohan, 14 na boto ang kakailanganin para maabot ang two-thirds threshold. Kapag nagkaroon naman ng fraction sa pagkukuwenta, ito ay iri-round up sa susunod na buong bilang.

“The presiding officer, after all, is not the court. He is merely the custodian of the process, not the proprietor of its outcome,” pahayag ni Escudero, na bagama’t tumutol sa bagong ruling ay tiniyak na ipatutupad niya ito.

Nilinaw rin ni Escudero na ang bagong ruling ay pro hac vice o para lamang sa kasalukuyang impeachment trial at hindi magiging binding precedent sa mga susunod na impeachment proceeding.

Nabigong Pigilan ng Minorya

Bago ang botohan sa threshold, ibinasura rin ng impeachment court ang point of order ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na kumukuwestiyon sa pagtalakay at pagboto sa usapin.

Sa botong 13-6-1, pinaboran ng korte ang pagpapatuloy ng proseso. Si Senator-Judge Mark Villar ang nag-abstain.

Iginiit ni Cayetano na dapat ang Korte Suprema ang magpasya sa constitutional issue sa voting threshold at nagbabala na maaaring magkaroon ng mistrial kung babaguhin ang threshold habang nagpapatuloy na ang impeachment trial.

Matapos matalo ang kanyang mosyon, isa-isang nagpahayag ng pagtutol ang mga miyembro ng minority bloc.

Kabilang sa nagsabing dapat manatili sa bilang ang mga senador na nakakulong, nawawala o naka-medical leave sina Senator-Judges Camille Villar, Imee Marcos, Robinhood Padilla at Bong Go.

Magkakaibang Legal na Pananaw

Ang bagong ruling ay kasunod ng paghingi ng impeachment court ng opinyon mula sa mga dating opisyal ng Korte Suprema bilang amici curiae o “friends of the court.”

Tatlo sa apat na inimbitahang retired justices—kabilang sina dating Chief Justices Artemio Panganiban, Reynato Puno at Hilario Davide Jr.—ang nagpahayag na hindi kailangang manatiling fixed sa 16 ang boto para sa conviction at maaaring ibatay sa mga senator-judge na aktuwal na nakikilahok sa paglilitis.

May ibang pananaw naman si retired Associate Justice Adolfo Azcuna, isa sa mga framers ng 1987 Constitution, na nagsabing ang two-thirds requirement ay dapat nakabatay sa kabuuang membership ng Senado.

Nakasaad sa Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution na walang impeached official na maaaring ma-convict nang walang concurrence ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.

Ang usapin sa threshold ay umusbong matapos hindi makalahok sa impeachment proceedings ang ilang senador dahil sa magkakaibang legal o pisikal na kalagayan, dahilan upang kuwestiyunin kung dapat pa rin silang isama sa magiging denominator ng boto.

(Pinagsamang ulat nina DANG SAMSON-GARCIA at TINA MENDOZA)

54

Related posts

Leave a Comment