SHOW CAUSE ORDER VS VIRAL RIDING IN TANDEM

SINUSPINDE ng Land Transportation Office o LTO ng 90-araw ang lisensya ng isang rider na umano’y bumato sa batang sakay ng tricycle sa Antipolo City, Rizal.

Naglabas din ang LTO ng Show Cause Order laban sa rider at kanyang backrider, na inatasang humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO Central Office sa Setyembre 29 para magsumite ng kanilang mga sinumpaang salaysay at iba pang dokumento.

Naka-alarm status naman ang motorsiklo habang isinasagawa ang kaukulang proseso, at maaari ring tuluyang bawiin ang lisensya ng rider kung mapatutunayang hindi siya karapat-dapat na magmaneho.

Kabilang sa mga tinitingnang paglabag ang reckless driving, paglabag sa Anti-Distracted Driving Act, hindi pagsusuot at hindi pag-require sa backrider na magsuot ng standard protective motorcycle helmet, at paggamit ng motorsiklong walang kinakailangang accessories gaya ng side mirror.

Ang aksyon ng LTO ay kasunod ng viral video na unang ipinost sa Facebook ni Floresil Melissa Garcia, kung saan makikitang tinamaan sa noo ang isang bata habang sakay ng tricycle kasama ang kanyang ina sa kahabaan ng Lores Road.

Ayon sa paunang impormasyon, nagkaroon muna umano ng hindi pagkakaunawaan bago ang insidente.

Sa nasabing pamamato ay tinamaan ang batang lulan ng tricycle, na nasugatan sa kanyang noo. Pagkaraan ay sinundan pa umano ng dalawa ang tricycle.

Samantala, sinabi ni Antipolo City Mayor Casimiro “Jun” Ynares III na inatasan na ang City Social Welfare and Development Office, Health Office at Legal Office na magbigay ng kinakailangang tulong sa bata.

Binigyang-diin ng alkalde na hindi dapat manaig ang init ng ulo at dahas sa kalsada, lalo na kung maaaring madamay ang mga inosenteng bata.

(NILOU DEL CARMEN)

38

Related posts

Leave a Comment