Inendorso ni Robredo LEONEN BILANG NEXT CHIEF JUSTICE

INENDORSO ni dating Vice President at Naga City Mayor Leni Robredo si Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para maging susunod na Punong Mahistrado ng Korte Suprema.

Sa isang liham na may petsang Setyembre 11, 2026 at tinanggap ng Supreme Court-Judicial and Bar Council at Office of the Chief Justice noong Setyembre 23, pormal na inirekomenda ni Robredo si Leonen para sa pinakamataas na posisyon sa hudikatura.

“With great honor, I nominate and endorse Senior Associate Justice Marvic Leonen to be the next Chief Justice of the Republic of the Philippines,” pahayag ni Robredo sa kanyang liham kay Pangulong Marcos.

Binigyang-diin ni Robredo na si Leonen ang pinakamatagal nang naglilingkod sa kasalukuyang komposisyon ng Korte Suprema at higit umano sa constitutional requirements para sa competence, independence, probity at integrity.

Ayon pa kay Robredo, kabilang sa mga ipinakita ni Leonen ang mababang backlog ng kanyang docket at mature, epektibo at collegial na pamumuno sa administrasyon ng hustisya.

Inisa-isa rin sa liham ang mga nagawa ni Leonen sa halos 14 taon niya sa Korte Suprema, kabilang ang pag-akda ng libo-libong ponencia at separate opinions, pagsusulong ng modernisasyon gaya ng eCourt PH at guidelines sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI), at pangunguna sa kauna-unahang digital at localized Bar Examinations noong 2020–2021.

Binigyang-diin din ni Robredo ang naging papel ni Leonen bilang dating chief peace negotiator ng pamahalaan sa pakikipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), na humantong sa Framework Agreement on the Bangsamoro noong 2012.

Bago naging mahistrado, naging aktibo rin si Leonen sa public interest law. Itinatag niya noong 1987 ang Legal Rights and Natural Resources Inc. (LRC-KSK) at naging kasapi ng Free Legal Assistance Group (FLAG), kung saan nagbigay siya ng libreng serbisyong legal sa mga katutubo, magsasaka, mangingisda at mga biktima ng political abuse.

Noong 2010, itinalaga si Leonen bilang chief peace negotiator ng pamahalaan sa MILF peace process bago siya naitalaga sa Korte Suprema noong 2012 sa edad na 49.

Nagtapos si Leonen bilang magna cum laude sa kursong Economics sa University of the Philippines (UP) Diliman at nagtapos ng law sa UP College of Law. Nagtapos din siya ng Master of Laws sa Columbia University sa New York at naging dean ng UP College of Law. Nag-top 4 siya sa 1987 Bar Examinations.

Ayon kay Robredo, mahalaga ang pamumuno ni Leonen sa kasalukuyang sitwasyong pampulitika at pang-ekonomiya ng bansa.

“At this juncture in our political economy, we need his leadership to inspire credibility and genuine social justice. I have no doubt that he will work in a humble and collegial manner that will ensure the stability of our Judiciary and the full development of our country,” dagdag ni Robredo.

Ang pag-endorso ni Robredo ay kasunod ng kapansin-pansing pagbabago sa ugnayan nila ni Pangulong Marcos, na naging magkatunggali sa 2022 presidential race.

Matatandaang personal na binisita ni Pangulong Marcos ang Naga City at inihayag ang paglalaan ng P500-million Local Government Support Fund (LGSF) para sa rehabilitasyon ng Jesse M. Robredo Coliseum bilang disaster refuge center at pagbili ng heavy equipment ng lungsod.

Gayunman, kapwa iginiit nina Marcos at Robredo na nakatuon ang kanilang ugnayan sa inter-government cooperation at pampublikong serbisyo.

65

Related posts

Leave a Comment