BRIAN POE, GAWAD PILIPINO OUTSTANDING LEGISLATOR

KINILALA si FPJ Panday Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe bilang isa sa Ten Outstanding Legislators – Congressmen in the Philippines ng Gawad Pilipino, kasama ang ilan sa mga beterano at kinikilalang mambabatas mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Kasama ni Poe sa sampung kinilalang miyembro ng Kamara sina Reps. Jose “Bong” Teves Jr., Patrick Michael Vargas, Jude Acidre, Marivic Co-Pilar, Bernadette Escudero, Ann Matibag, Maria Cristina Angeles, Juan Carlos “Arjo” Atayde, at Nelson Dayanghirang Jr.

Nagbigay rin ang Gawad Pilipino ng pagkilala sa sampung senador, kabilang sina Senators Francis “Kiko” Pangilinan, Vicente “Tito” Sotto III, Joel Villanueva, Christopher “Bong” Go, Imee Marcos, Jinggoy Estrada, Raffy Tulfo, Panfilo “Ping” Lacson, Erwin Tulfo, at Win Gatchalian.

Para kay Poe, higit na makahulugan ang pagkilalang ito dahil natanggap niya ito sa kanyang unang taon bilang miyembro ng Kamara de Representantes.

“Malaking karangalan para sa akin na mapabilang sa mga kinilalang mambabatas, lalo na kasama ang mga lingkod-bayan na matagal nang nagsisilbi sa ating bansa. Pero higit sa parangal, paalala ito na araw-araw nating kailangang patunayan na karapat-dapat tayo sa tiwalang ibinigay sa atin ng taumbayan,” ani Poe.

Dumating ang pagkilala mula sa Gawad Pilipino kasunod ng isa pang pagkilala sa pagganap ni Poe. Noong Hunyo, pumuwesto ang FPJ Panday Bayanihan sa ikaapat sa mga top-performing party-list representatives sa nationwide “Boses ng Bayan” Index of Governance ng RPMD Foundation, kung saan nakapagtala ito ng 67.4 porsiyentong rating batay sa tiwala ng publiko at performance.

Ayon kay Poe, ang mga pagkilalang ito ay nagpapatibay sa direksyong pinili ng kanyang tanggapan mula nang magsimula ang 20th Congress: ang pagtuunan ng pansin ang mga problemang direktang nararamdaman ng ordinaryong Pilipino.

Sa kanyang unang taon, naghain si Poe ng 166 panukalang batas bilang principal author at 96 bilang co-author, o kabuuang 262 na panukala, habang nakapagtala rin siya ng 233 committee hearing attendances.

Nakasentro ang kanyang legislative agenda sa tatlong pangunahing haligi ng FPJ Panday Bayanihan: Food, Progress, and Justice.

Sa ilalim ng Food, itinulak ni Poe ang mga hakbang para mabawasan ang food waste, mapalawak ang school-based feeding program, masuportahan ang sektor ng agrikultura, at mapalakas ang pangmatagalang food security ng bansa.

Sa Progress, kabilang sa kanyang mga panukala ang responsableng pamamahala sa artificial intelligence, climate resilience, water security, disaster preparedness, at paggamit ng blockchain technology upang mapalakas ang transparency at accountability sa paggastos ng pamahalaan.

Sa Justice, isinulong niya ang Freedom of Information Bill, mas matibay na proteksyon para sa kapakanan ng mga hayop, proteksyon ng mga bata laban sa panganib online, pagpapalakas ng mga serbisyo para sa senior citizens, at mga hakbang laban sa illegal online gambling.

Ilan sa mga panukalang ito ay umusad na sa Kamara. Ang panukala ni Poe para sa Freedom of Information ay naisama sa substitute measure na inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa, isang mahalagang hakbang para sa repormang mahigit tatlong dekada nang isinusulong sa bansa.

Hindi rin natapos sa paggawa ng batas ang kanyang serbisyo. Sa ikalawang bahagi ng 2025, nakapaghatid ang kanyang tanggapan ng 40,453 family food packs at 16,200 hot meals sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo, baha, sunog, at lindol, katuwang ang mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, at mga volunteer.

Binigyang-diin ni Poe na ang Gawad Pilipino recognition ay hindi lamang pagkilala sa kanya, kundi sa lahat ng taong katuwang ng kanyang tanggapan sa paglilingkod.

“Hindi ito trabaho ng isang tao lamang. Sa likod ng bawat panukalang batas, bawat food pack, at bawat komunidad na naaabot natin ay mga taong naniniwalang kayang maghatid ng gobyerno ng tunay at konkretong serbisyo,” ani Poe.

“Sa akin, iyon pa rin ang pinakamahalagang sukatan. Hindi kung ilang parangal ang natatanggap natin, kundi kung may pamilyang mas nakakakain nang maayos, may Pilipinong nagkakaroon ng mas magandang oportunidad, at may mamamayang nakakaramdam na patas at maaasahan ang gobyernong nagsisilbi sa kanila.”

Sinabi ni Poe na magsisilbing dagdag na inspirasyon ang pagkilala upang ipagpatuloy at palawakin ang mga nasimulan sa kanyang unang taon sa Kongreso.

“Unang taon pa lamang natin ito. Nagpapasalamat tayo sa pagkilala, pero mas marami pang kailangang gawin. Patuloy tayong makikinig, kikilos, at magtatrabaho para sa mga resultang tunay na mararamdaman ng bawat Pilipino — mas abot-kayang pagkain, mas maraming oportunidad, at mas patas na serbisyo.”

108

Related posts

Leave a Comment