SA botong 201 pabor at walang tutol, aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang House Bill No. 10365, na naglalayong palakasin at palawakin ang agricultural insurance system sa bansa.
Layunin ng panukala na mabigyan ng mas matatag na proteksyon ang mga magsasaka at mangingisda laban sa mga bagyo, baha, tagtuyot, peste at iba pang banta sa kanilang kabuhayan.
Ayon kay House Speaker Faustino Dy III, isa sa pangunahing may-akda ng panukala, mahalagang maisabatas ito upang maprotektahan ang mga magsasaka at mangingisda at maiwasan ang pagkalubog nila sa utang kapag sinalanta ng kalamidad ang kanilang kabuhayan.
“We need an insurance system that helps our farmers get back on their feet instead of forcing them deeper into debt,” ani Dy.
Sa ilalim ng HB 10365, palalakasin ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) upang mapalawak ang saklaw ng mga maaaring iseguro, hindi lamang ang tradisyunal na palay at mais.
Kabilang na sa saklaw ang high-value crops, livestock, aquaculture at fishery products, agroforestry crops at forest plantations, gayundin ang agricultural machinery, kagamitan, transport facilities at iba pang kaugnay na imprastraktura.
Pinahihintulutan din ng panukala ang PCIC na mag-alok ng mga makabagong insurance product gaya ng parametric o index-based insurance at pumasok sa public-private partnerships.
Ayon kay Dy, makatutulong ang insurance upang mas mabilis na makabangon ang mga magsasaka at mangingisda matapos ang kalamidad o pagkasira ng kanilang mga tanim at kabuhayan.
“Insurance is not simply compensation after a loss. It can mean having the resources to plant again, repair equipment, restore a livelihood, and continue producing food for our communities,” ani Dy.
(TINA MENDOZA)
97 