SENADOR VILLAR, NAGHAIN NG PANUKALANG LIMANG TAON ANG BISA NG PRC ID

Inihain ni Senator Mark A. Villar ang Senate Bill No. 2391, o “PRC ID 5-year Validity Act,” na naglalayong palawigin mula tatlong taon tungo sa limang taon ang bisa ng Professional Identification Cards (PICs) na inilalabas ng Professional Regulation Commission (PRC).

Ayon kay Villar, layunin ng panukala na mabawasan ang oras, gastos at abalang nararanasan ng mga Pilipinong propesyonal na kailangang regular na mag-renew ng kanilang PRC ID.

Batay sa pinakahuling datos, may 5,887,714 rehistradong propesyonal sa 65 propesyong sakop ng PRC. Sa kasalukuyan, mayroon itong isang central office, 14 regional branches, 21 satellite service centers at apat na tanggapan sa One-Stop Service Centers for Overseas Filipino Workers.

Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, tatlong taon lamang ang bisa ng PRC ID bago ito kailangang i-renew.

“Matagal nang namumuhunan ang ating mga propesyonal sa kanilang pag-aaral, pagsasanay, at patuloy na pag-unlad upang makapaglingkod sa bayan. Hindi na dapat dagdagan ang mga pasanin na dulot ng madalas at magastos na renewal,” ani Villar.

“Ang pagpapalawig ng bisa ng PRC ID sa limang taon ay isang praktikal na reporma na makatitipid sa oras at gastos ng ating mga propesyonal, makababawas sa siksikan sa mga tanggapan ng PRC, at magbibigay-daan sa kanila na higit na makapagpokus sa kanilang trabaho, pamilya, at paglilingkod,” dagdag niya.

Sa ilalim ng SB 2391, magiging limang taon ang bisa ng lahat ng PRC-issued PICs, alinsunod pa rin sa umiiral na legal at procedural requirements.

Inaatasan din ng panukala ang Information and Communication Technology Service ng PRC at iba pang kaukulang tanggapan na magsagawa ng mga kinakailangang system enhancement, kabilang ang pagpapahusay sa Licensure Examination Registration Information System at iba pang administrative processes.

Itinatakda rin ng panukala ang pagsasapinal ng revised assessment ng annual registration fees sa loob ng anim na buwan mula sa pagkakaroon nito ng bisa bilang batas.

Umaasa si Villar na agad na maipapasa ang panukala upang magkaroon ng mas mabilis, episyente at mas madaling PRC renewal system para sa mga propesyonal sa buong bansa, kasabay ng pagsisikap ng pamahalaan na mabawasan ang red tape at mapabuti ang paghahatid ng serbisyo publiko.

“Ang bawat oras na matitipid natin sa paulit-ulit na renewal at bawat pisong matitipid sa paulit-ulit na transaksyon ay mailalaan na sa mas produktibong trabaho at professional development,” ani Villar.

(DANNY BACOLOD)

84

Related posts

Leave a Comment