BSK TERM EXTENSION NAMUMURO NA

NAMUMURO na ang pagpapalawig sa termino ng mga barangay at sangguniang kabataang (SK) officials dahil inaasahang isasalang na sa Bicameral conference committee ang panukalang ito.

Sa susunod na linggo ay nakatakdang pagtibayin sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) 11287 na naglalayong ipantay ang termino ng mga Barangay at SK officials sa presidente, bise president at mga senador.

Sa bersyon ng Kamara, magiging anim na taon na ang termino ng mga barangay at SK officials mula sa kasalukuyang tatlong taon subalit dalawang termino na lamang ang mga ito tulad ng mga senador.

Nangangahulugan na 12 taon na magsisilbi ang mga Barangay at SK officials kapag nanalo ang mga ito sa kanilang isang reelection.

Bukod dito, nakasaad din sa bersyon ng Kamara na isasagawa ang susunod na Barangay at SK Election (BSKE) sa 2029 imbes na sa December 2025.

Noong Enero 14, 2025 ay nauna nang pinagtibay ng Senado ang kanilang hiwalay na bersyon sa nasabing panukala subalit malaki ang pagkakaiba nito sa bersyon ng Kamara.

Sa ilalim ng bersyon ng Senado, apat na taon lamang ang terminong ibibigay ng mga ito sa mga barangay at SK officials habang puwede silang tumakbo ng isang reelection.

Maliban dito, nais ng mga senador na sa 2027 isasagawa ang susunod na BSKE na mas maaga kumpara sa 2029 na pinagtibay ng Kamara.

Sa sandaling ipasa ng Kamara sa ikatlo ang huling pagbasa ang nasabing panukala sa susunod na linggo ay inaasahan isasalang agad ito sa Bicam at target na maratipikahan bago ang adjournment ng 19th Congress sa Hunyo. (BERNARD TAGUINOD)

22

Related posts

Leave a Comment