Bukod sa pagsilip sa anomalya PROBLEMA SA FLOOD CONTROL SOSOLUSYUNAN NG INFRACOM

NAKATAKDA nang simulan ng Congressional Infrastructure Committee (INFRACOM) ang imbestigasyon sa kontrobersyal na flood control projects at ayon dito ay wala silang sasantuhing personalidad at usapin.

Nilinaw rin nito na ang kanilang pakay ay hindi lamang silipin kung sino ang mga dapat na sisihin kundi hanapan din ng solusyon ang problema ng mga proyekto.

Ito ang tiniyak ni House of Representatives (HOR) spokesperson Atty. Princess Abante, nagsabing ang INFRACOM ang siyang tutukoy ng mga project at indibidwal sa parehong executive at legislative branch, na sangkot nang may pinanghahawakan pruweba, at mga ebidensya.

Sa kanyang pagsasalita sa MACHRA Balitaan ng Manila City Hall Reporters’ Association na ginanap sa Harbor View restaurant, sinabi ni Abante na ang INFRACOM ay nariyan upang tugunan ang lahat ng mga blanket accusations, at sinabing “Hindi puwede na basta lang mag-akusa, dapat may pruweba. Diyan papasok ang INFRACOM.”

Tiniyak ni Abante na kapag ang isang congressman ay napatunayan na sangkot sa korupsyon, ang INFRACOM ay bukas upang lumikha ng independent body na mag-iimbestiga upang maiwasan ang pagkakatangi-tangi sa mga sangkot. Tiniyak din nito na mayroong mekanismo na titiyak upang madisiplina ang erring members, kung mayroon man.

Binigyang diin ng House spokesperson na ang papel ng mga congressman ay tingnan kung ang mga kailangan ba ng kanilang mga nasasakupan sa kanilang distrito ay kanilang naibibigay.

“Lalo na if the LGUs, even the barangays, would approach legislators for such assistance in requesting for the projects. As Representatives, they (Congressmen) represent with the various departments. It is then up to the department if it will consider and include in the budget proposal.”

Ang DBM (Department of Budget and Management) ay kino-consolidate ang mga proposal at tsaka iaakyat sa House of Representatives para himayin at tingnan ang budget at i-approve ito,” dagdag ni Abante.

Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Abante na ang implementasyon ng flood control programs, maging ang pagkuha ng permits para sa proyekto ay ‘di gawain ng legislators, dahil ang papel nila ay bigyang-pansin ang mga kailangan ng kanilang constituents at idinagdag pa na ang pagpapatupad ng proyekto ay nakasalalay sa Department of Public Works and Highways (DPWH), na siya talagang gumagawa ng flood control projects gaya ng panukala ng mga congressman.

Samantala, sinabi ni Abante, base kay INFRACOM chairman Rep. Terry Ridon, bibigyan ng pagkakataon si Baguio Mayor Benjamin Magalong na magpakita ng pruweba sa alegasyon nitong korupsyon at kailangan na ito ay sinumpaan.

“We (Congress) welcome criticisms but they should not be in the form of blanket accusation… pangalanan at huwag idamay lahat,” pagkatapos ni Abante.

(JESSE RUIZ)

136

Related posts

Leave a Comment