BILANG bahagi ng pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan 2025, inilunsad ang “TeknoLodi Fest 2025: Lodi sa Digital Literacy” kontra Bully Online para sa mga Kabataan sa Lyceum of the Philippines University sa Maynila.
Nagsilbing panauhing pandangal si Manila Mayor Isko-Domagoso sa nasabing aktibidad na nagbigay ng makabuluhang mensahe sa mga mag-aaral sa nasabing unibersidad.
Ito ay inorganisa ng Sangguniang Kabataan Federation at Youth Development and Welfare Bureau kasabay ng kanilang panata para sa matalino at responableng netizen.
Layon ng nasabing aktibidad ang paglaban sa fake news, paggamit sa social media upang magbigay ng inspirasyon at hindi para manira, paggalang sa kapwa netizen at hindi magiging bully online.
“You, youth of today–hindi ko alam kung mapalad kayo o disadvantage of having technology around you because technology which I’m for one as a believer is part and way of life,” sabi ng alkalde.
Ayon pa kay Mayor Isko, ang teknolohiya ay kailangan natin para sa pagpapabuti tulad ng pag-develop ng gamot, teknolohiya, transportasyon bukod sa iba pa.
Gayunman, mayron din aniya itong disadvantage dahil sa kakulangan ng skills.
Muli namang pinasalamatan ng alkalde ang stakeholders at iba pang organisasayon sa lungsod dahil sa nasabing inisyatiba na patuloy na humuhubog at gumagabay sa mga kabataan ngayon na makilahok sa komunikasyon, interaction at pagiging produktibo sa komunidad.
Tiniyak ni Mayor Isko na kaisa ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa hangarin na maging mapanuri, responsable, at may malasakit na netizens tungo sa isang ligtas, malinis, at makabuluhang digital world.
(JOCELYN DOMENDEN)
123 