MOTORSIKLONG TINANGAY, NATUNTON SA SOCIAL MEDIA

CAVITE – Natunton at nabawi ang isang ninakaw na motorsiklo na pag-aari ng isang barangay tanod, sa pamamagitan ng social media, sa Dasmariñas City noong Huwebes ng madaling araw.

Hawak na ng Dasmariñas Component City Police Station (CPS) ang mga suspek na sina alyas “Rolando”, 55, helper, ng Brgy. Salitran 4, Dasmariñas City, at “Regie”, 37, ng Brgy. Sto. Cristo, Dasmariñas City, kapwa nahaharap sa kasong carnapping.

Ayon sa ulat, madaling araw noong Huwebes nang iparada ng biktimang si alyas “Alejandro”, 40, barangay tanod, ang kanyang motorsiklong Rusi Surf MP 110 na itim at may plakang 2950GC, sa tapat ng kanyang bahay sa Brgy. Salitran IV, Dasmariñas City, subalit pagbalik niya bandang alas-3:00 ng madaling araw ay nawawala na ito.

Sinubukan niyang hanapin subalit hindi nito matagpuan kaya ipinost niya sa social media, hanggang isang concerned citizen ang tumawag sa kanya at sinabing napansin ang nasabing motorsiklo base sa inilagay na deskripsyon, sa Brgy. San Sebastian at nakatakda nang ibenta.

Sa tulong ng kasamahang tanod, nagpunta sila sa nabanggit na lugar kung saan nakilala ng biktima ang kanyang motorsiklo na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.

(SIGFRED ADSUARA)

99

Related posts

Leave a Comment