MARAMI akong kakilala na taxi operators na may dalawa o tatlong unit ng taxi na ipinapasada ng kanilang mga driver araw-araw pero problemado sila dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo.
Hindi maibaba ng mga operator ang kanilang boundary at kahit noong kasagsagan ng pandemya ay hindi pa rin bumababa sa P1,200 ang binabayaran ng mga tsuper sa kanilang operators.
Bulok man ang unit o hindi, hindi binabawasan ng operator ang boundary kaya may mga tsuper, hindi ko nilalahat… gumagawa ng paraan para makabawi sila sa napakapataas na boundary at presyo ng diesel na karaniwan nilang ginagamit sa pamamasada.
Itinanggi man nila o hindi, marami pa ring mga tiwaling taxi driver na pinakiki-alaman ang kanilang metro para mabilis ang patak ng pamasahe… ‘yung tinatawag na butinting.
Kapag regular kang nagta-taxi, malalaman mo kung tama o hindi ang patak ng metro pero ‘yung mga napipilitan lang mag-taxi dahil nagmamadali, hindi nila alam kung may butingting ang sinakyan nilang taxi.
Kaya dapat i-check ng Land Transportation Office (LTO) ang lahat ng taxi para masiguro na hindi napaki-alaman ang metro bilang suporta at proteksyon na rin sa mga pasahero lalo na ngayong tumataas ang presyo ng bilihin.
Kung noong maganda ang takbo ng ekonomiya, walang problema sa langis, wala pang pandemya ay may nahuhuling taxi driver na gumagamit ng binutingting na metro, baka may gumagawa na naman niya dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo.
Lilinawin ko, hindi lahat ng taxi driver ay tiwali. Naniniwala ako na mas marami ang patas lumaban dahil ‘yung mga gumagawa ng anomalya ay hindi naman umaasenso dahil may karma ang masamang gawain.
Pero sa gitna ng krisis sa langis, baka bumalik sa masamang gawi ang mga nambubutingting noon para mabawi ang tumataas na gastos nila sa krudo kaya bilang precautionary measures, dapat busisiin ng LTO at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang metro ng mga taxi.
Parang matagal nang panahon ang nakalipas noong makarinig tayo ng balita na tsinetsek ang metro ng mga taxi kaya dapat gawin na nila ito para masiguro na walang nandadaya sa pasahero.
Huwag naman sana na saka kikilos ang LTO at LTFRB kapag may reklamo lang. Mas maganda na unahan ang problema kaysa saka lang kumilos kapag may biktima na. Huwag lang puro reaksiyonaryo ang peg.
Sana naman din ang mga operator, pag-isipan na bawasan kahit konti ang boundary bilang tulong na rin sa kanilang mga driver lalo na ngayong nasa panahon pa tayo ng pandemya na pinalala pa fuel crisis dahil sa pag-atake ng Russia sa Ukraine.
Isipin n’yo ha, kapag hindi niyo ibinaba ang boundary, baka hindi muna mamasada ang mga driver n’yo dahil hirap silang maka-boundary dahil sa lumalaking gastos sa krudo at kapag nangyari iyan, wala rin kayong kita.
Kaya dapat tulungan din ang mga driver niyo. May kasabihan tayo na sa panahon ng kagipitan, walang ibang magtutulungan kundi tayo-tayo rin. Dapat magbigayan sa ganitong panahon.
262 