NABIGO sa Court of Appeals (CA) ang anim na akusado matapos baligtarin ang kautusan ng mababang korte na payagan silang makapagpiyansa sa kasong abduction at serious illegal detention sa mga nawawalang sabungero noong 2022.
Hindi pumayag ang CA na pansamantalang palayain ang anim na respondents.
Base sa 18 pahinang desisyon, kinatigan ng CA Third division ang petition for certiorari ng prosekusyon makaraan masilip na nakagawa ng grave abuse of discretion ang Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 40 nang pagkalooban ng piyansa ang mga akusado.
Una nang iniutos ng MRTC ang pansamantalang paglaya ng mga akusado na sina Julie Patidongan, Mark Carlo Zabala, Roberto Matillano Jr., Johnry Consolacion, Virgilio Bayog, at Gleer Codilla noong December 2023 sa halagang tig-P3 milyon.
Dahil sa grave abuse of discretion ng mababang korte, nagkaroon ng pagkakataon ang prosekusyon na muling ipabalik at ipasok sa kulungan ang mga suspek.
Sinabi ng CA na malakas ang mga ebidensya na ang mga akusado ang responsable sa pagdukot sa mga biktima.
Binigyang-diin ng CA nagkamali ang trial court nang sabihin na hindi napagkaitan ng kalayaan ang mga biktima dahil lang sa boluntaryong pagsama sa mga respondent. (JULIET PACOT)
