AKO OFW ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
NAKAKADUROG ng puso ang paghingi ng saklolo sa AKO-OFW-SAKSI ng nasa halos 20 truck drivers na nagtatrabaho sa Jeddah dahil na rin sa kanilang nararanasan.
Sa video na ipinadala ng mga overseas Filipino worker, ipinaliwanag nila kung bakit nais nilang makabalik na ng Pilipinas.
Ayon kay Ariel Dajang, nakadestino umano sila sa Jeddah at dumating noong September 30, 2024 upang magtrabaho bilang heavy truck drivers.
Nagulat na lamang daw sila nang palinisin sila sa paligid ng barracks at pinag-washing ng mga truck na wala naman sa kontrata na kanilang pinirmahan mula sa kanilang employer na si Ben Dajim.
December 06, 2024 nang pinabiyahe sila ng double driver at sinabing hati sila sa per trip.
Sa kadahilanang wala pala itong approval sa office ay bumaba na lang sila dahil todo ang pagod, puyat at gutom sa kabila ng hindi sapat na kita.
Bukod pa rito, sila rin daw ang nag-aabono para sa diesel sa tuwing sila ay bibiyahe, kaya halos wala na silang maipadala sa kani-kanilang pamilya dahil kapag di nila inabonohan ay babawian sila ng truck na kanilang pang-biyahe.
Sumbong pa ng mga OFW, maging ang passport nilang lahat ay hawak ng HR at wala silang magawa para makuha ang mga ito.
Kaya naman nagdesisyon na silang sumulat nang palihim at humingi ng agarang tulong para sa repatriation.
Agad naman umaksyon ang AKO-OFW-SAKSI at agad na ipinaalam kay Atty. She Alonzo ng OWWA ang kahilingan nito para na rin sa agarang tulong.
Kung ikaw ay OFW o kapamilya ng OFW na nais magparating ng sumbong o paghingi ng tulong, huwag mag-atubili na lumiham sa amin at ipadala sa aming email address na: akoofwpartylist@yahoo.com o kaya sa saksi.ngayon@gmail.com.
