WALA pa sa kalahati ang bilang ng mga kandidato at party-list groups na naghain ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sa mga oras na ito, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, nasa pitong kumandidato sa pagka-senador pa lamang ang naghain ng SOCE mula sa 66 na tumakbo sa nagdaang 2025 midterm elections.
Kabilang dito sina Atty. Victor Rodriguez, Norberto B. Gonzales, Willie Ong, teacher France Castro, Vicente C. Sotto III, Atty. Angelo De Alisan, at Ronaldo Jerome Adonis.
Samantala, nasa 9 party-list groups pa lamang ang naghain ng kanilang SOCE sa Comelec. Ito ay mula sa 155 na kalahok sa nasabing halalan.
Sa mga partido, tanging ang AKAY at PDSP pa lamang ang nakapagbigay ng SOCE.
Una nang binigyang-diin ni Garcia na hindi na palalawigin pa ng Comelec ang June 11 deadline ng pagsusumite ng SOCE ng mga tumakbong kandidato– nanalo man o natalo.
(JOCELYN DOMENDEN)
