TINIYAK ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Malakanyang ang patuloy na pagpapalakas ng transmission network ng bansa upang masuportahan ang lumalaking pangangailangan sa enerhiya.
Ayon sa NGCP, nananatili ang kanilang commitment na maghatid ng matatag, maaasahan at mas malakas na power system para sa bansa.
Sinabi ng korporasyon na nagpapatuloy ang implementasyon ng mga kritikal na transmission projects upang matugunan ang tumataas na demand sa kuryente at masuportahan ang integration ng mga bagong planta at renewable energy sources.
Malugod din umanong tinatanggap ng NGCP ang patuloy na pagtutok ng pamahalaan sa sektor ng enerhiya, kabilang ang panawagan para sa mas mabilis na pagproseso ng permits at right-of-way access upang hindi maantala ang mahahalagang proyekto.
Muli ring nanawagan ang NGCP para sa isang pangmatagalang industry-wide development plan na tututok sa sapat na base load supply, balanseng energy mix at resource adequacy-based planning.
Ang pahayag ng NGCP ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Energy (DOE) na repasuhin ang mga proyekto at performance ng korporasyon.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nais ng Pangulo na matiyak na natutugunan ng NGCP ang mga pangangailangan ng bansa sa usapin ng suplay ng kuryente.
Kasama rin sa direktiba ang pagpapabilis sa pagtatayo ng mga bagong power plant, transmission network at iba pang imprastraktura upang maiwasan ang mga problemang nakaaapekto sa sektor ng enerhiya.
(CHRISTIAN DALE)
49 