LANAO Del Sur – Binawian ng buhay ang isang sugatang sundalo nang bumagsak ang isang Huey helicopter ng Philippine Air Force sa bayan ng Madalum sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon, habang apat na iba pa ang sugatan sa insidente.
Ngunit agad na nilinaw ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippine na sadyang kritikal ang lagay ng nasabing nasawing sundalo dahil sa dami ng shrapnel na tumama sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito kasunod ng pagpapasabog ng improvised explosive devise ng kalabang mga terorista.
Ito ang dahilan kaya kinailangan ang agarang aerial evacuation sa nasabing critically wounded soldier, ayon sa Western Mindanao Command.
Base sa paunang ulat mula sa AFP-Western Mindanao Command, nagpalipad ng UHH1 helicopter para sa evacuation ng isa sa apat na sundalong nasugatan sa IED explosion sa Barangay Lilitun.
Nalagutan ng hininga ang hindi muna kinilalang sundalo bandang alas-5:00 ng hapon nang mag-emergency landing ang kanilang chopper sa Madalum, Lanao del Sur, alas-5:00 ng hapon, may 350 metro mula sa explosion site.
Una rito, bandang alas-9:00 ng umaga, nagsasagawa ng combat operation ang mga elemento ng 55th Infantry Battalion at habang papalapit sa kanilang target ay biglang sumabog ang isang IED na itinanim ng mga kalaban.
Agad na rumadyo ang mga tropa para ma-airlift ang apat na sugatan upang malapatan ng lunas, nang magpasya ang piloto na magsagawa ng emergency landing dahil sa sama ng panahon makalipas ang ilang minuto nang paglipad ng helicopter.
Nabatid na 350 metro lang ang distansiya ng crash site sa lugar kung saan nangyari ang pagsabog ng IED.
Isa rin sa crew ng Air Force ang nasugatan habang nasa maayos namang kalagayan ang iba pa, kabilang ang piloto at flight nurse.
Nasaktan naman ang ilan pang sakay ng helicopter, kasama na ang piloto at flight nurse. (JESSE KABEL)
172 