INISA-ISA sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ang ilang aktibidad na pinaggamitan umano ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Sa ika-14 na araw ng impeachment trial, iginiit ni Commission on Audit-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) State Auditor Xylene del Campo na hindi compliant o hindi nakasunod ang OVP sa Joint Circular 2015-01 kaugnay ng mga aktibidad na maaaring paggamitan ng confidential funds.
Ipinakita ni Del Campo ang listahan ng confidential activities ng OVP na pinaggamitan ng confidential funds mula Disyembre 13 hanggang 31, 2022, na inilarawan bilang gathering at surveillance activities na kinakailangan para sa payment of rewards.
Kabilang sa mga aktibidad na tinukoy ni Del Campo ang Partners Appreciation Night ng DepEd sa Mandaluyong City, Knights of Rizal Supreme Council 60th Year of the Institute sa Baguio City, Youth Campaign on Patriotism, Christmas activity sa Happy Land sa Tondo, Manila, gayundin ang tree planting, coordination meeting, distribution of wheelchairs, gift-giving at medical mission.
Kasama rin sa listahan ang iba pang aktibidad ng mga satellite office ng OVP sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Tinanong ni Atty. Lorna Kapunan si Del Campo kung pasok sa listahan ng pinapayagang confidential activities sa ilalim ng Joint Circular ang mga naturang gawain.
Ayon kay Del Campo, hindi pinapayagan ang mga naturang aktibidad na pondohan gamit ang confidential funds.
Nilinaw naman ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero kung maaaring gamitin ang confidential funds bilang reimbursement sa mga aktibidad na isinagawa mula Disyembre 13 hanggang 20 bago ang release ng pondo.
Iginiit ni Del Campo na batay sa Joint Circular, hindi maaaring gamitin ang confidential funds para sa reimbursement.
Samantala, sinabi ni Del Campo na hindi sinuportahan ng sales invoices o official receipts (OR) ang P73.287 milyon na payment of rewards at mga bayad para sa tables, chairs, desktop computers at printers na tinukoy sa audit.
Ipinakita rin ni Kapunan ang ilang acknowledgement receipts na isinumite ng OVP bilang tugon sa Audit Observation Memorandum (AOM), kung saan ang ilang pangalan ng mga tumanggap ng confidential funds ay kapareho ng apelyido ng ilang senador at personalidad.
Kabilang sa mga pangalang nabanggit sina Ralph at Josh Bacon, Anne Ongpauco, Heart Santiago, Beth Revilla, Clarisse Hontiveros, Jose Diokno Jr. at Diane Maple Lapid.
Tinanong ni Kapunan si Del Campo kung bineripika nila kung may kaugnayan kay Escudero ang mga nabanggit na Ongpauco at Heart.
Ipinaliwanag ni Del Campo na hindi na nila bineripika ang mga pangalan sa acknowledgement receipts dahil nakatuon ang kanilang trabaho sa pagsusuri kung compliant sa Joint Circular ang mga liquidation documents na isinumite sa kanila.
(DANG SAMSON-GARCIA)
66 