AMINADO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na epektibo ang mga ginagawa ng pamahalaan laban sa pagbaha, subalit marami pa ring kailangang gawin upang tuluyang matugunan ang problema.
Ito ang sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati matapos inspeksyunin ang High Vacuum Self-Priming Drainage Trailer Pump sa Alido Bridge, Barangay Zapote, Las Piñas City, nitong Martes.
Ayon kay Pangulong Marcos, nagkaroon ng epekto ang patuloy na dredging na isinagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos niya itong ipag-utos.
“Malakas ang ulan nung nakaraang ilang araw at mabuti naman at tama naman dahil sa binigay kong instruction sa DPWH, patuloy yung dredging na ginagawa. Mukhang nagkaroon naman ng epekto, hindi ganoon kalala ang pagbaha, medyo nabawasan,” ayon sa Pangulo.
Aniya, mas mababaw na ngayon ang baha kumpara sa mga nakaraang pagkakataon.
“Dati hanggang sa dibdib, ngayon e wala pa, hindi pa, hindi na, kulang pa sa tuhod ang baha,” dagdag niya.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na hindi pa sapat ang kasalukuyang mga hakbang dahil marami pang kailangang gawin upang mapabuti ang flood control system sa Metro Manila.
Isa sa mga tinukoy niyang problema ang matagal na paghinto ng dredging na aniya ay nagdulot ng pagkipot at pagbagal ng daluyan ng tubig sa mga ilog at spillway.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang pangangailangang ituloy at tapusin ang spillway project sa Las Piñas upang magkaroon ng maayos na labasan ng tubig.
Ayon kay Pangulong Marcos, mahigit 10 taon nang pinagpaplanuhan ang proyekto ngunit hindi ito natuloy.
Tinukoy din ni Pangulong Marcos ang problema sa basura na nakita sa mga kanal sa Parañaque na nakaapekto sa daloy ng tubig.
Dahil dito, nanawagan siya sa mga local government unit at sa publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura upang maiwasan ang paglala ng pagbaha.
Samantala, sinabi ng Pangulo na patuloy ang mga hakbang ng pamahalaan para sa flood control, kabilang ang dredging na isinasagawa kasama ang mga lokal na pamahalaan.
Iginiit ni Pangulong Marcos na magpapatuloy ang mga hakbang ng pamahalaan hanggang makumpleto ang mga kinakailangang proyekto laban sa pagbaha.
“Patuloy ang ating gagawin ito dahil hindi pa tapos ang trabaho, marami pa tayong gagawin, ngunit effective ang ating nagawa na sinimulan itong taon na ito.
Hindi natin titigilan hanggang matapos yan. Ang dredging talagang walang tigil yan, tuloy-tuloy yan,” aniya.
(CHRISTIAN DALE)
61 