TASK FORCE 92, DINEPLOY NG PHILIPPINE ARMY PARA SA BARMM ELECTION

DINEPLOY ng Philippine Army ang Task Force 92, na hinugot mula sa 1st Brigade Combat Team (1BCT), bilang suporta sa ligtas, maayos at mapayapang pagsasagawa ng 2026 Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Election.

Sa send-off ceremony sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija, pinaalalahanan ni 1BCT Commander Brig. Gen. Von Albert M. Sumergido ang mga sundalo na panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo, disiplina, integridad at paggalang sa karapatang pantao sa buong panahon ng kanilang misyon.

Binigyang-diin din ni Sumergido ang kahalagahan ng pagiging walang kinikilingan sa anumang partido o kandidato sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Binuo ang Task Force 92 bilang combined arms unit na binubuo ng mga nakatalagang yunit ng 1BCT.

Bukod sa pagbibigay ng seguridad, magsasagawa rin ang Task Force ng community engagement initiatives at palalakasin ang koordinasyon sa mga katuwang na ahensya upang matiyak na malaya, ligtas at walang banta o pananakot na makaboboto ang mga mamamayan sa BARMM.

Ipinapakita ng deployment ang commitment ng Philippine Army sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa makasaysayang halalang parlamentaryo ng BARMM na nakatakda sa Setyembre 14, 2026.

Binubuo ang Task Force 92 ng 561 tauhan sa pangunguna ng Task Force 92 Commanding Officer na si Lieutenant Colonel Anacito C. Naz.

Kabilang sa Task Force ang mga yunit ng infantry, military intelligence, mortar, Explosive Ordnance Disposal (EOD), K9, Civil-Military Operations (CMO), combat engineers at sustainment.

Sa unang yugto, ide-deploy ang Task Force 92 sa area of responsibility (AOR) ng 602nd Infantry Brigade, 6th Infantry Division, Philippine Army.

Ayon sa tagapagsalita ng Hukbong Katihan, magsasagawa ang Task Force 92 ng Combined Arms Operations bago matapos ang Agosto 2026 sa loob ng Joint Task Force Central–Joint Area of Operations (JTFC-JOA) upang matiyak ang ligtas at matagumpay na pagsasagawa ng halalan sa BARMM.

(JESSE RUIZ)

66

Related posts

Leave a Comment