AALAMIN ni Senador Panfilo “Ping” Lacson sa Commission on Audit (COA) kung nagsagawa ito ng fraud audit sa paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Lacson na isa ito sa mga magiging tanong niya sa COA sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ipinaliwanag ng senador na mayroon ding Anti-Fraud Division ang COA na maaaring magsagawa ng fraud audit kapag may nakitang iregularidad sa paggamit ng pondo ng isang ahensya.
Kung nagsagawa na umano ng fraud audit ang COA, posibleng malayo na ang narating ng imbestigasyon dahil maaari itong gamitin bilang basehan sa paghahain ng kasong kriminal.
Kasabay nito, ipinaliwanag ni Lacson na maaaring payagan ang paggamit ng mga alyas sa mga taong tumatanggap ng reward, ngunit dapat nasa kustodiya ng ahensya ang isang vault kung saan nakatabi ang lahat ng dokumentong may kaugnayan sa tunay na pagkakakilanlan ng mga gumagamit ng alyas.
Dapat din umanong magkaroon ng access dito ang COA bilang bahagi ng kanilang audit.
Una nang inirekomenda ni Lacson na amyendahan ang ipinatutupad na joint circular ng COA sa auditing upang mas mapalawak at mapalalim ang pagsusuri ng mga state auditor sa paggamit ng pondo ng isang ahensya.
(DANG SAMSON-GARCIA)
62 