ILANG lugar sa Batangas City ang nakaranas ng pagbaha noong Sabado ng umaga, Agosto 8, kasunod ng tuloy-tuloy at malakas na pag-ulan na dulot ng southwest monsoon o habagat.
Gutter-deep ang baha sa Lawas Junction sa Barangay Calicanto, habang ilang bahagi rin ng lungsod ang binabaha dahil sa walang tigil na buhos ng ulan.
Kabilang dito ang ang Barangay Kumintang kung saan mabilis na tumaas ang tubig sa ilang bahagi ng lugar.
Sa bayan ng Balayan ay baha na rin sa harapan ng Bonville Subdivision dahil sa malakas at walang tigil na pag-ulan.
Samantala, pansamantalang isinara sa lahat ng sasakyan at mga pedestrian ang isang tulay sa Barangay Santo Niño, Batangas City matapos masira dahil sa malakas na pag-ulan at pagbaha.
Ayon sa barangay, bumigay ang gitnang pundasyon ng tulay at makikitang humihiwalay na rin ang isa sa mga pangunahing poste nito.
Dahil dito, agad ipinatupad ang total closure sa lugar para maiwasan ang anomang aksidente at maprotektahan ang mga residente.
Pinapayuhan ang mga motorista na pansamantalang gumamit ng alternatibong ruta sa Barangay Pinamucan Silangan at Barangay Tabangao Dao.
Patuloy namang iniinspeksyon ng mga kinauukulan ang kondisyon ng tulay habang pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Ayon sa PAGASA, kabilang ang Batangas sa mga lugar na nakararanas ng inaasahang malakas na pag-ulan na maaaring umabot sa 50 hanggang 100 millimeters dahil sa habagat.
Naglabas din ang PAGASA ng General Flood Advisory para sa CALABARZON, kaya pinaalalahanan ang mga residente na mag-ingat at manatiling nakatutok sa mga abiso ng kanilang lokal na pamahalaan. (NILOU DEL CARMEN)
86 