QC NAG-AALOK NG LIBRENG TEKNIKAL NA PAYO SA SOLAR PANELS INSTALLATION

NAG-AALOS ang Quezon City government ng libreng teknikal na gabay sa mga residente at negosyo na nagpaplanong mag-install ng solar panels sa rooftop sa pamamagitan ng Helpline 122.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, ang mga lisensyadong electrical engineer ng QC Engineering Department ang magbibigay ng gabay sa mga interesado, kabilang ang pagpili ng tamang laki ng solar system, teknikal na requirement, kinakailangang permit at pagtukoy sa mga akreditadong solar service provider na nakarehistro sa Department of Energy (DOE).

Sinabi ni Belmonte na layunin ng programa na gawing mas accessible ang solar energy at matulungan ang mga residente at negosyo na mapababa ang kanilang gastos sa kuryente habang iniiwasan ang mga mapanlinlang o walang lisensyang installer.

Bahagi ito ng renewable energy program ng lungsod, kung saan nakapag-install na ng solar panels sa pitong City Hall building, tatlong ospital ng lungsod at 25 pampublikong paaralan.

Mula Enero hanggang Hunyo 2026, nakatipid na umano ang mga pasilidad na ito ng mahigit P8 milyon sa gastos sa kuryente.

Batay naman sa Solar Penetration and Potential Market Demand in Buildings Dashboard ng QC, tinatayang umabot sa 5,787 gigawatt-hours (GWh) ang konsumo sa kuryente ng lungsod noong 2025.

Ayon sa lungsod, tinaya ng isang pag-aaral ng Thinking Machines Lab, na isinagawa para sa C40 Cities, na maaaring umabot sa P40.65 bilyon pagsapit ng 2035 ang matitipid kung malawakang gagamitin ang rooftop solar panels sa Quezon City.

(PAOLO SANTOS)

59

Related posts

Leave a Comment