CONFIDENTIAL FUNDS NG DOJ, HINILING NA IBALIK SA 2026 LEVEL

HINILING ng Department of Justice (DOJ) sa Senado na ibalik sa 2026 level ang confidential funds ng ahensya upang hindi maapektuhan ang mga operasyon nito sa 2027.

Sa budget hearing ng Senado nitong Huwebes, sinabi ni Justice Secretary Fredderick A. Vida na nais ng DOJ na mapanatili ang humigit-kumulang ₱1.1 bilyong confidential funds ngayong taon sa halip na ang nakatakdang humigit-kumulang ₱579.4 milyon para sa 2027.

“Ang amin pong hiling sana maibalik man lang yung 2026 level para hindi maapektuhan nang malaki ang aming mga operasyon,” pahayag ni Vida.

Ayon sa kalihim, maaaring limitahan ng nabawasang confidential funds ang kakayahan ng DOJ sa pangangalap ng impormasyon, proteksyon sa mga saksi, at mga operasyon laban sa human trafficking at cybercrime.

Inihayag ni Vida ang kahilingan sa deliberasyon ng Senado para sa panukalang budget ng DOJ para sa 2027.

Ang mga iminumungkahing alokasyon ay bahagi ng ₱7.2-trilyong National Expenditure Program (NEP) para sa 2027 na isinumite ng ehekutibong sangay sa Kongreso.

(JULIET PACOT)

254

Related posts

Leave a Comment