PINAIGTING ng Department of Agriculture (DA) ang kampanya laban sa mga peke, hindi rehistrado, adulterated at ilegal na ginawang agricultural inputs sa buong bansa.
Kasunod ito ng direktiba ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. sa Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) na higpitan ang market surveillance at pagpapatupad ng mga regulasyon laban sa mga ilegal na farm inputs.
Ayon sa DA, isinagawa kamakailan ng FPA, Police Provincial Office at mga tauhan ng Talavera at Rizal Police ang operasyon sa isang pasilidad kung saan natagpuan ang daan-daang sako ng fertilizer products na umano’y iniimbak o ginagawa nang walang kaukulang rehistro.
“Ang pataba ay isang puhunan para sa ating mga magsasaka. Kapag peke o substandard ang produktong ibinebenta sa kanila, hindi lamang pera nila ang nawawala. Nakasalalay dito ang kanilang ani at kabuhayan,” ani Laurel.
Inatasan ng kalihim ang FPA na palawakin ang pagbabantay sa merkado, kabilang ang mga online marketplace at physical stores, at tugisin ang mga sangkot sa paggawa at pamamahagi ng ilegal na agricultural inputs.
“Poprotektahan natin ang ating mga magsasaka at mga lehitimong negosyo. Inatasan natin ang FPA na paigtingin ang market surveillance at pagpapatupad ng batas laban sa mga peke, hindi rehistrado, adulterated, at ilegal na ginawang agricultural inputs,” dagdag niya.
Sinabi naman ni FPA Executive Director Glenn DC. Estrada na magpapatuloy ang ahensya sa pagtugis sa mga produktong nagbabanta sa productivity ng mga sakahan at operasyon ng mga lehitimong negosyo.
Nagsimula ang kaso sa isang entrapment operation noong Hulyo 15 na isinagawa ng Philippine National Police-Talavera Municipal Police Station, sa tulong ng FPA Regional Field Unit III, kasunod ng reklamo ng ROVA Manufacturing kaugnay ng umano’y pagbebenta ng pekeng fertilizer products.
Humantong ang operasyon sa pagkakatuklas ng umano’y hindi rehistradong bodega at fertilizer production facility sa Barangay Sta. Monica, Rizal, kung saan nag-inventory ang mga awtoridad ng karagdagang fertilizer products.
Nakapagtala ang mga awtoridad ng 260 sako sa operasyon sa Talavera at 518 sako naman sa pasilidad sa Sta. Monica.
Sa kabuuan, hindi bababa sa 778 sako ng fertilizer ang nakumpiska o naitala sa dalawang lugar, na nagkakahalaga ng P748,150.
(PAOLO SANTOS)
59 