NAKAHANAP ng tulong si Rossini Erica Selleen Padua sa Project Aruga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) habang inaalagaan ang kanyang anak na may level 2 autism.
Ayon kay Rossini, ang pagpapalaki sa batang may autism ay nangangailangan ng espesyal na pangangalaga, pagmamahal at atensyon, bukod sa malaking gastusing kaakibat ng medical needs at therapy sessions.
Inamin niyang hindi madali ang araw-araw na pag-aalaga, ngunit patuloy siyang nagsisikap dahil sa pagmamahal sa kanyang anak.
Nang matanggap niya ang tulong mula sa Project Aruga, hindi lamang ito itinuring ni Rossini bilang financial assistance kundi bilang suporta sa kanilang pamilya.
“Malaking tulong ito, lalo na sa kalusugan, sa mga therapy, at sa mga pangangailangang medikal ng mga bata. Isa pa ay ang aspetong pinansyal. Hindi kasi ganoon kadali ang magkaroon ng special child dahil doble o triple ang kailangang gastusin o gamitin para lamang mapangasiwaan ang kanilang kondisyon,” ani Rossini.
Ang Project Aruga ay isang community-based intervention na naglalayong tugunan ang pangangailangan ng mga batang may kapansanan at kanilang pamilya sa pamamagitan ng komprehensibo, family- at client-focused, at community-based social at health services.
Bukod sa tulong-pinansyal, sinabi ni Rossini na nakatulong din ang proyekto sa emosyonal na aspeto ng kanyang pagiging magulang.
“Maraming-maraming salamat, dahil hindi lang ang anak ko ang natutulungan, kundi pati na rin ang emosyonal na suportang kailangan ko bilang magulang sa gitna ng hirap ng pagpapalaki at pagkakaroon ng anak na may autism,” pahayag niya.
Mahalaga rin ang Project Aruga kay Victor Lasala, focal person ng programa mula sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng Sorsogon City, Sorsogon.
Ayon kay Victor, nasasaksihan niya ang mga hamon na kinakaharap ng mga batang may kapansanan at kanilang mga pamilya, partikular ang mga pamilyang kapos sa pinansyal na resources.
“Ang pinakamahalaga talaga rito ay ang matulungan ang ating mga benepisyaryo; sila talaga ang pinakaimportante sa bahaging ito ng proyekto,” ani Victor.
Binigyang-diin niya na hindi lamang mga batang may kapansanan ang sinusuportahan ng Project Aruga kundi pati ang kanilang mga magulang at tagapag-alaga.
Kabilang dito ang disability support allowance (DSA) at mga training na naglalayong mapahusay ang kakayahan ng mga caregiver sa pag-aalaga sa kanilang mga anak.
(PAOLO SANTOS)
72 