UNTI-UNTI nang nagkakalinaw na maaprubahan ang panukalang dagdag allowance para sa mga guro sa pampublikong paaralan.
Ito ay kasunod ng pagpasa sa ikalawang pagbasa sa Senado ng panukalang batas na inakda ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. hinggil sa pagtataas ng supplies allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan na magsisimula sa susunod na taon.
Ayon kay Revilla, sakaling maisabatas ang Senate Bill No. 1092 o ang Teaching Supplies Allowance Act of 2020, ay nasa 800,000 pampublikong guro ang makikinabang na lalong magpapaigting sa ating mga guro na hubugin ang pundasyon ng ating kabataan.
Ang SBN 1092, sa ilalim ng Committee Report No. 14, ay substitute bill para sa SBN 42 na inilatag ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto; ang SBN 75 naman ay isinumite ni Revilla; at ang SBN 957 ay si Sen. Sonny Angara ang nagpanukala.
Sa ilalim ng panukala, bawat guro ay tatanggap ng P5,000 para sa school years 2021 – 2022 at 2022 – 2023. Ito ay kalaunang tataas sa P7,500 para sa school year 2023 – 2024; at P10,000 para sa school year 2024 -2025 na magpapatuloy hanggang sa mga susunod pang taon.
Sinabi pa ni Revilla na ang panukalang naglalayong itaas ang supplies allowance ng pampublikong guro sa kabila ng kakulangan ng pondo ay inaasahang mahahanapan ng paraan ng ating pamahalaan.
Binigyang diin pa ni Revilla na sa ilalim ng naturang panukala, ang Department of Education (DepEd) ay inaatasang magsagawa ng periodic review upang makapagrekomenda ng kaukulang pagtataas base sa kasalukuyang presyo ng materyales.
Nakasaad din sa panukala na ang kailangang halaga para sa teaching supplies allowance ng bawat guro ay kukunin sa appropriations ng DepEd sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).
Nabatid na sa kasalukuyan, ang bawat pampublikong guro ay tumatanggap ng P3,500 kada taon na pumapatak lamang ng P16.00 kada araw na sadyang napakaliit at hindi na akma sa mga gastusin. (NOEL ABUEL)
