PONDO NG FIRST 1,000 DAYS ACT SA 2021 PINATUTUOS SA SENADO

HINILING ni Senador Grace Poe ang full accounting ng pondong inilaan ng pamahalaan sa First 1,000 Days Act para sa 2021 at sa nakalipas na dalawang taon habang tinatalakay pa ng Senado ang panukalang badyet sa susunod na taon.

Sa pahayag, sinabi ni Poe na dapat tiyakin ng Kongreso na mother at baby-friendly ang susunod na badyet sa 2021 partikular ang mahigpit na implementasyon ng “First 1,000 Days Act.”

“Matagal nang lumipas ang unang isang libong araw ng First 1,000 Days Act. Has it been nourished with funding in its infancy or is it already anemic and stunted?” tanong ni Poe, na siyang nag-awtor at nag-isponsor ng Republic Act No. 11148, o kilala bilang “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act.”

Tinukoy ni Poe na naglalaman ang naturang batas ng 115 interbensiyon na nakakalat sa 10 departamento.

Pero, tanging dalawang components ang lumilitaw na napopondohan sa panukalang badyet sa 2021: P2.19 bilyon para sa micronutrient supplementation sa ilalim ng Department of Health (DOH) at P159.33-milyon na intervention package sa ilalim ng National Nutrition Council.

“Appropriate funding determines whether the law realizes its intent or remains a stillborn mandate,” ayon kay Poe.

Sinabi ni Poe na natuklasan sa 2019 report ng Senate Executive-Legislative Liaison Service na hindi nakatugma sa pangangailangan na nakatakda sa batas ang approach ng DOH sa pagbabadyet.

“At the very least, a provision in the 2021 budget which will require the concerned agencies to implement a tracking mechanism for mother-baby spending should be in place,” giit ni Poe na bumanggit na ang summary ng climate-change expenditures sa Budget of Expenditures and Sources of Financing bilang posibleng modelo.

Binigyang-diin ni Poe ang madalian na pagbibigay ng proteksiyon sa kalusugan at nutrisyon ng ina at sanggol sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

“Mothers and their children are the most at-risk when families tighten their belts. Dapat nating siguruhin na sapat at diretso sa sikmura ang pondo para sa mga sanggol at ina,” ayon kay Poe.

Ibinulgar ng isang survey ng Social Weather Station na umabot sa 7.6 milyong Filipino ang nakaranas ng involuntary hunger nitong Setyembre na katumbas ng 30.7 porsiyento ng ating populasyon – pinakamataas na insidente kumpara sa naitalang 23.8 porsiyento noong Marso 2012. (ESTONG REYES)

84

Related posts

Leave a Comment