PINAGTAKSILAN ng Philippine International Trading Corporation (PITC) si Pangulong Rodrigo Duterte nang hindi matupad ang pangakong maipagkakaloob ang mga makabagong kagamitan para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
“President Duterte’s promises of new equipment for “his beloved uniformed services” are being betrayed by the Philippine International Trading Corporation’s (PITC) “failure to deliver them on time or deliver them at all,” sabi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto.
Isinantabi rin aniya ng PITC ang Kongreso na tanging sangay ng gobyerno na naglaan ng pondo para sa paggastos.
“To comply with the President’s wishes, nagkukumahog ang DOF to raise money, and Congress is being nagged to pass the annual budget on time, only for procurement entities to waste several fiscal years in making the purchase,” giit ni Recto.
Aniya, dapat na bantayan ng Office of the President at ng Kongreso ang “pasa-buy” system kung saan inililipat ng departamento ang bilyong piso sa PITC at DBM Procurement Service.
Ang pahayag ni Recto ay kasunod ng isinumiteng dokumento ng Commission on Audit (COA) sa Senado na nabigo ang PITC na gamitin ang P9.17 bilyon na ibinigay ng mga ahensya sa DTI-attached agency sa loob ng 10 taon upang bumili sa kanilang pangalan.
Ayon pa kay Recto, nakasaad din sa COA report na ang unutilized fund transfers ay nangyari mula 2009 hanggang 2019 at hindi naibalik sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan o sa national government.
“Yung isang case dito ‘yung sa PNP. Binigyan ng P1.347 billion in 2016 para sa sasakyan, baril at mga kagamitang kailangan ng pulis. Pero ano resulta? P311 million pa lang na halaga ng mga ito ang naideliver ng PITC,” giit ni Recto
“In the case of the Philippine Army, PITC’s completion rate from 2007 to 2019 is 45 percent, which is a high abort figure. The Philippine Army failed to demand the full refund of long-outstanding balances aged three years and above amounting to P495.279 million, pertaining to the excess or unutilized funds transferred to PITC,” sabi ni Recto na nakasaad sa COA report.
Ang mga pondong inilipat ng Philippine Air Force sa PITC para sa mga layunin ng pagkuha ng outsourcing ay naipon sa P736.14 milyon sa pagtatapos ng 2019 dahil sa hindi paghahatid ng mga item ng mga hinihiling na proyekto.
“Mahaba ang listahan ng utang ng PITC. Marami-rami rin ang nag-aabang ng delivery,” aniya pa. (NOEL ABUEL)
