Sa pambu-bully sa WPS IBA’T IBANG GRUPO KINONDENA CHINA

NAGMARTSA ang iba’t ibang grupo kabilang ang Ang Bumbero ng Pilipinas patungo sa embahada ng China sa Makati City para kondenahin ang pambu-bully nito sa tropa ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

NAGPROTESTA ang isang bagong kilusan na kinabibilangan ng grupo ng mga makabayang Pilipino sa harap ng Embahada ng Tsina sa Makati upang tahasang tutulan ang pagpapakalat nito ng mga maling impormasyon upang maangkin ang isla ng Palawan.

Daan-daang kasapi ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY-Movement) ang nagtipon-tipon sa harap ng embahada at kinondena ang anila’y lantarang pambu-bully sa karapatan ng Pilipinas at paglapastangan sa bawat mamamayang Pilipino.

Sa pamumuno ni Dr. Jose Antonio “Ka Pep” Goitia, first nominee ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) party-list, ipinakita sa protesta ang pagmamahal sa bayan at makabayang pagtindig laban sa agresibong panghihimasok sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

“Dapat nang wakasan ang kalokohang ito. Hindi namin papayagan na agawin ang aming mga teritoryo at mga karapatan sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas alinsunod sa United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS) at maging sa naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong Hulyo 12, 2016 na walang basehan ang “historical rights na iginigiit ng Tsina,” pahayag ni Goitia.

Hinikayat din nito ang taumbayan na tumindig at magkaisa dahil ito ay usapin ng bansa at pag-agaw sa ating sariling lupa at teritoryo.

“Ito at lantarang pagyurak at pag-alipusta sa ating mga Pilipino. Ang pagbaluktot sa katotohanan ay hindi makatwiran,” aniya pa.

Sa panayam kay Goitia na Chairman Emeritus din ng koalisyon ng iba pang malalaking grupo na kinabibilangan ng People’s Alliance for Democracy and Reform (PADER), the Alliance of Filipino Kabalikat sa Demokrasya (ABKD), Liga Independencia ng Pilipinas (LIPI) at (KAMPIL) Kalipunan ng Masang Pilipino, masusundan pa ang mga pagkilos na ito kung hindi kikilalanin at irerespeto ng Tsina ang international maritime laws.

 

10

Related posts

Leave a Comment