CAMP VICENTE LIM, Calamba City – Naaresto ng pulisya nitong Martes ng umaga ang isa sa mga suspek sa pananambang at pagpatay sa abogado sa lalawigan ng Palawan.
Kinilala ni Palawan Provincial Director Col. Nolasco Torre III ang suspek na si Jazer Rey Del Rosario, 38-anyos, dating miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at siya umanong driver ng motorsiklo na umambush sa biktimang si Atty. Eric Magcamit.
Ayon sa report, natunton si Del Rosario ng binuong Special Investigation Task Force “Magcamit” nitong Linggo ng gabi sa Brgy. Alfonso XIII Quezon, Palawan matapos siyang makilala base sa CCTV footage sa pinangyarihan ng krimen sa Brgy. Malinao, Narra, sa nasabing lalawigan.
Dadalo sana si Atty. Magcamit sa hearing nang tambangan ng riding in tandem.
Ayon sa ulat, si Del Rosario ay nag-AWOL sa serbisyo at ngayon ay empleyado ng lokal na pamahalaan ng Palawan.
Isinasangkot din ito sa grupo ng isang gun-for-hire sa nasabing lugar.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga awtoridad ay lumilitaw na away sa lupa ang posibleng ugat ng pamamaslang kay Atty. Magcamit.
Patuloy pa ang pagtugis sa kasama ng suspek na nagsagawa ng krimen. (CYRILL QUILO)
192 

