DBM, ISINUSULONG BAGONG SISTEMA PARA MAPABILIS SALARY ADJUSTMENTS NG GOVERNMENT EMPLOYEES

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maayos at mabilis na maibigay ang karampatang sahod ng government employees at public school teachers, isinusulong ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagbabago sa kasalukuyang request-based process para sa personnel services deficiencies.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang, sa pangunguna ni DBM Secretary Kim Robert de Leon, pinag-aaralan ang isang sistemang hindi na mangangailangan ng hiwalay na funding request para maproseso ang salary adjustments.

Sa ilalim ng bagong sistema, oras na ma-update ng isang ahensiya ang kanilang plantilla master list at matukoy ang salary deficiency, agad itong matutukoy ng DBM upang ma-release ang kinakailangang pondo.

Layunin ng reporma na mapabilis ang pagtanggap ng tamang sahod ng mga guro at iba pang kawani ng pamahalaan.

Target ng DBM na isagawa ang live testing ng bagong sistema sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa fourth quarter ng 2026.

“Para sa mga naghihintay ng salary adjustments, pinapabilis na po ng pamahalaan ang pagproseso para makuha ang inyong tamang sweldo. Dahil sa Bagong Pilipinas, kapag mas proactive at maayos ang proseso, mas mabilis ang kilos ng gobyerno,” ayon kay Castro.

Samantala, bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Marcos na palakasin ang sektor ng transportasyon, isinusulong din ng pamahalaan ang mas malaking budget para sa rail infrastructure na aabot sa ₱197.3 bilyon ngayong 2027.

Ayon kay Castro, layunin nitong pabilisin ang konstruksyon at pag-usad ng North-South Commuter Railway System na inaasahang magpapagaan sa biyahe ng mga commuter at makatutulong sa pagpapasigla ng ekonomiya.

Sa ilalim ng Fiscal Year 2027 National Expenditure Program (NEP), ₱123.84 bilyon ang inilaan para sa nasabing proyekto na magdurugtong sa Metro Manila, Bulacan, Pampanga at Laguna.

Nakapaloob din sa panukalang budget ang ₱67.44 bilyon para sa Phase 1 ng Metro Manila Subway Project, na inaasahang makatutulong sa pagpapababa ng bigat ng trapiko sa Metro Manila.

Kasama rin sa budget ang ₱1.17 bilyon para sa LRT Line 1 Cavite Extension Project, ₱1.94 bilyon para sa MRT Line 3 Rehabilitation Project at ₱603 milyon para sa LRT Line 1 South Extension Project.

“Pondo ng bayan, nakalaan para sa taong bayan. Ito ang mithiin ng administrasyon ni Pangulong Marcos para sa bawat Pilipino,” ayon kay Castro.

(CHRISTIAN DALE)

98

Related posts

Leave a Comment