VP DUTERTE, HINAMON NI REMULLA NA MAGLABAS NG EBIDENSYA NG HARASSMENT

HINAMON ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla si Vice President Sara Duterte na maglabas ng ebidensya upang patunayan ang alegasyon nitong hinarass siya ng Philippine National Police (PNP) nang ipatupad ang warrant of arrest laban sa kaniya kaugnay ng kasong grave threats.

Sa pulong balitaan ng DILG sa Camp Crame nitong Lunes ng umaga, sinabi ni Remulla na batay sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), dumaan sa tamang proseso ang pag-aresto sa Bise Presidente.

Ayon kay Remulla, ibinigay din kay Duterte ang nararapat na courtesy bilang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, habang dokumentado naman ang buong proseso ng pag-aresto.

Sinabi ng kalihim na unang sinikap na ihatid ang warrant of arrest sa tanggapan ni Duterte. Maayos din umano itong inihatid sa kanyang tahanan ng mga pulis na walang dalang armas at mga babaeng tauhan ng CIDG.

Iginiit ni Remulla na walang naging paglabag sa proseso sa pagpapatupad ng warrant at hinamon ang Bise Presidente na patunayan ang kanyang alegasyon ng harassment.

Ayon sa kalihim, nais umano ni Duterte na makita siya ng publiko na nakakulong sa likod ng rehas, ngunit hindi na ito kinakailangan dahil bailable naman ang kinakaharap niyang kaso.

(TOTO NABAJA)

63

Related posts

Leave a Comment